CARNAP GANG LEADER PATAY SA ENGKUWENTRO

(NI ROSS CORTEZ)

NAPATAY sa engkuwentro ang kilabot na Nagtahan road rampage suspect at carnap gang leader matapos salakayin ang bahay nito, Miyerkoles ng gabi sa Silang, Cavite.

Sinabi ni Cavite Criminal Investigation Group Provincial Officer Police Major Warly Bitog na ihahain sa suspect na si Frankie Mark Serrano, alas-6:00 ng gabi sa bayan ng Silang Cavite, ang warrant of arrest laban sa suspek, para sa kasong grave threat na nangyari noong 2017, ngunit pagpasok ng mga operatiba sa bahay, itinulak ng suspek ang kanyang live in partner na si “Jessie” sa pintuan para magsilbing human shield at harangan ang mga operatiba

At dahil naantala ang pagpasok ng mga operatiba sa harapan ng bahay, tinangka ng suspek na dumaan sa likurang pintuan bitbit ang kanyang cal 38 revolver

Ngunit bumulaga sa kanya ang mga nakapaligid na operatiba sa likod, kaya pinagbabaril niya ang mga ito habang hawak sa isang kamay ang granada

Gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa pagbulagta ng suspek, hindi agad nakalapit ang mga operatiba dahil sa hawak na granda ng suspek na bagama’t tinamaan ay posibleng buhay pa

Nang matiyak na hindi sumabog ang granada, dito na pumasok ang mga operatiba at nadatnan ang duguang katawan ng suspek at nag iiyak na live in partner nitong 4 na buwang buntis pa

Ayon kay P/Major Bitog, nangupahan ang suspek sa studio type apartment na pag-aari ng barangay captain sa lugar may dalawang buwan na ang nakakalipas

Naging kaibigan ng suspek ang caretaker sa bahay na tauhan rin ng kapitan kaya’t nagawa niyang ipakita rito ang mga itinatago niyang baril at granada.

Lingid sa kaalaman ng suspek, nakuhanan ng litrato sa cellphone ang mga armas niya, na ipinakita ng caretaker sa barangay captain.

Hindi rin umano nalabas ng bahay ang suspek at live in partner nito at laging sarado ang bahay, nalabas lang raw ang mga ito sa pagitan ng alas-12 ng hatinggabi at nabalik din bago mag-alas 5:00 ng umaga.

Ipinagtataka rin ng mga residente sa lugar na sa mga alanganing oras naglalabas pasok sa bahay ng suspek ang iba’t ibang personalidad na hindi nila kilala sa lugar

Nakilala lamang ang suspek nang aksidente nitong mabangga ang mobil patrol ng barangay gamit ang kanyang asul na Honda Civic

Dito siya namukhaan ng mga residente na nagbigay daan para maipaalam ito sa mga kinauukulan.
Mas gusto rin sana ni P/Maj Bitog kung nakuha nila ng buhay ang suspek dahil maraming kaso ang mareresolba

kabilang ang umano’y Grab driver na pinatay at ibinaon nito sa hindi pa malamang lugar, pati na rin ang pamamaril nito sa dalawa katao sa harap ng gasoline station sa lungsod ng Imus, Cavite.

Tumanggi namang humarap sa kamera ang live in partner ng suspek, pati na rin ang tatay nito na umano’y minsan ng pinagbantaan ng suspek na papatayin niya

Kwento ni “Jessie” nakilala lang niya sa social media ang suspek noong huling linggo ng Marso 2019, at kasama umano siya sa loob ng kotse ng maganap ang Nagtahan road rampage

Sa katunayan, sugatan raw siya dahil sa pagbato ng galit na galit na mga concerned citizen, at inabandona pa siya ng suspek sa loob ng kotse.

Nakahingi lang daw siya ng tulong sa mga pulis ng halos mawalan na siya ng malay sa dami ng dugong tumagas sa ulo nya.

Matapos ang Nagtahan incident, umuwi siya sa kanyang Tatay sa Cavite, ngunit minessage siya ng suspek na kung hindi siya babalik sa poder nito ay papatayin ang kanyang Tatay at mga kaanak niya

Sa takot ni “Jessie” napilitan siyang makisama uli rito, at pansamantala silang nagtago sa Olongapo, bago bumalik ng Cavite at nangupahan sa bayan ng Silang.

Bagama’t napatay ang suspek, nagpapasalamat na rin si “Jessie” dahil nakalaya na siya sa pagmamalupit nito, lagi umano siyang pinagbubuhatan ng kamay, sinasaktan, pinapalo ng bakal at baril at kahit duguan na ay binabalewala lang siya.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Cavite CIDG ang live-in partner na si Jessie at Tatay nito para sa kanilang seguridad.

Narekober naman sa crime scene ang 2 rifle grenade, 1 hand grenade, cal 38 ng suspek, samu’t saring mga bala at mga drug paraphernalia.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment