BUS NAHULOG SA BANGIN; 28 PASAHERO LIGTAS

(NI KIKO CUETO)

DEL GALLEGO, Camarines Sur — Nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang 28 pasahero ng Philtranco bus na nahulog sa bangin sa Andaya Highway, Barangay Magais, nang itulak ng malakas na hangin mula sa Bagyong Tisoy.

Sa report, sinasabing galing sa Pio Duran, Albay ang Philtranco bus at patungo sana sa Maynila nang mangyari ang aksidente alas-11 ng gabi.

Sinabi naman sa imbestigasyon ng Del Gallego Municipal Police Station, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng bus dahilan para dumulas ang gulong sa highway at mahulog sa bangin.

Malakas ang ulan sa lugar dahil sa bagyong Tisoy.

Nahirapan naman ang mga rescuers dahil sa taas ng bangin.

Nataon din na madulas at maputik rin ang pagbaba dito.

Winasak ng mga pasahero ang bintana sa likuran ng bus at ang windshield upang makalabas sila.

Ang mga sugatan ay isinugod sa Ragay District Hospital sa Ragay, Camarines Sur.

Dalawang senior citizen na pasahero ng bus ang nagtamo ng grabeng sugat habang ang iba naman ay minor injury lang ang tinamo.

Ilan sa mga nakaligtas ay mga teachers mula sa Bato, Camarines Sur na dadalo sana sa isang convention sa Maynila.

Kinilala naman ang driver na si Marlon Borromeo.

Kwento niya, sobrang madilim sa lugar at hindi maayos ang mga warning signs sa road reblocking.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment