BRITISH NATIONAL, MISIS NA PINAY NA DINUKOT NG ASG NASAGIP NG MILITAR

(NI AMIHAN SABILLO)

MATAPOS ang halos dalawang  buwan na pagkakabihag sa mag asawang British at Pinay sa Parang, Sulu, ay nasagip ang mga ito ng mga tauhan ng Armed forces of the Philippines (AFP), Lunes ng umaga.

Ayon kay Lt Gen Cirilito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command, Oktubre 4 nang dukutin ng anim na armadong lalaking pinaniniwalaang mga miyembro ng Abu Sayyaf (ASG) ang mga biktima sa Tukuran.

Ang mag asawa ay may-ari ng resort at Hyron College sa Zamboanga del Sur.

WALANG RANSOM

Iginiit naman ni Lt. Commander Sobejana na hindi nagbayad ng ransom ang mag asawang nasagip na ngayon ay isasailalaim sa medical examination.

Pasado alas-9:00 ng umaga ng Lunes nang masagip ang mag-asawa sa boundary ng Brgy. Silangkan at Brgy. Taha sa Parang, Sulu.

Sinabi pa ni Sobejana na nasagip ng 2nd Special Forces na nagresulta sa sunud- sunod na engkwentro mula pa noong Sabado hanggang sa masagip ang mga bihag.

Bago masagip, nagkaroon din ng panibagong engkwentro na tumagal ng 10 minuto hanggang sa naiwan na ang dalawa.

Hindi na rin umano kayang dalhin ng mga ASG ang dalawa dahil tumakas at naghiwa-hiwalay na ang mga ito.

Samantala, nanatili namang mataas ang alerto ng Wesmincom dahil sa nangyari. Hindi rin iniaalis ang posibilidad na maghighanti ang ASG dahil sa pagkakalagas ng kanilang pwersa at pagkakasagip sa mag asawang Hyron.

Related posts

Leave a Comment