BRANCH MANAGER NG KAPA MISSING, DRIVER PINATAY

BARIL-10

DAVAO City – Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad sa General Santos City ang nawawalang Alabel, Sarangani branch manager ng Kapa Community Ministry International, matapos pagbabarilin ng mga armado ang kanilang sinasakyang pick-up, dakong alas 3:00 ng madaling araw noong Miyerkoles.

Ayon kay Police Major Alex Lanestosa, hepe ng Police Station 4 sa General Santos City, nangyari ang insidente sa Brgy. San Isidro, habang papunta ang mga biktima sa Pagadian City.

Sinabi ni Lanestosa, ang branch manager na si Remely Jombitado Iral, 42, ay nakasakay sa itim na Ford Ranger Raptor pick-up na minamaneho ni Bresnev Morada, 38, residente ng Agan Phase 1, Barangay San Isidro, General Santos City.

Ngunit pinaulanan ng bala ang kanilang sasakyan ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo na umano’y nakaabang sa mga biktima.

Agad namatay si Morada habang sinasabing inilipat sa ibang sasakyan si Iral na ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Natagpuan ng mga awtoridad sa lugar ng insidente ang pitong basyo ng bala ng .45 kalibreng baril at dalawang slug ng armalite riffle.

Sa loob ng sasakyan ay natagpuan naman ang isang shoulder bag na may lamang pitaka at cash na P670 at iba pang personal na gamit ng mga biktima.

Napag-alaman na si Iral ay pamangkin ni Reyna Apolinario, na asawa ni Kapa founder Pastor Joel Apolinario.

Wala pang matukoy na suspek ang mga awtoridad at kung ano ang motibo ng krimen.

Si Apolinario, asawa nito at mga opisyal ng Kapa ay kinasuhan sa iba’t ibang korte matapos matuklasan ng Securities and Exchange Commission (SEC) na nasa likod ng investment fraud.

Ang Kapa ay nagpapatakbo umano ng Ponzi scheme, isang investment program na nag-aalok ng malaking tubo sa perang inilagak ng kanilang investors.

Ngunit sa kabila nito, patuloy umanong nag-operate ang Kapa sa bayan ng Alabel at minsan ay sa bayan din ng Matanao, Davao del Sur. (DONDON DINOY)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment