BOMB EXPERT NG SUICIDE BOMBERS PATAY SA ENCOUNTER

(NI JESSE KABEL)

NAPATAY ng militar ang isang Abu Sayyaf bomb expert na sinasabing gumagawa ng mga bombang ginamit sa serye ng mga pagpapasabog sa Mindanao at kapatid ni ASG leader Hajan Sawadjaan, sa Patikul Sulu .

Ayon kay Maj Arvin Encinas, ng AFP 6th Infantry Division, napatay sa sagupaan ang kapatid ni Hajan Sawadjaan matapos ang ilang minutong bakbakan sa pagitan ng  ASG at Philippine Army 41st Infantry Batallion sa Sitio Tubig Pansol, Barangay Langhub, sa bayan ng  Patikul.

Sa ulat ng Western Mindanao Command (Wesmincom), kinilala ang nasawing bandido na si Nanz Sawadjaan.

“The neutralization of Nanz Sawadjaan is a great loss on the Abu Sayyaf. His demise will debilitate the current strategy employed by the group in creating havoc in the province,” ani  Maj. Gen. Corleto Vinluan, Jr., Commander ng Joint Task Force Sulu.

Ayon pa sa ulat ng Wesmincom, dalawang sundalo ang nasugatan at dinala ang mga ito sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo.

Tumagal ng 20 minuto ang bakbakan at kasalukuyan nang pinaghahanap ang nakatakas na ASG members na pinamumunuan nina Almujer Yadah, Ben Tattoh, at Apo Mike.

“Our troops remain persistent in tracking down and neutralizing the remaining terrorists in Sulu,” ani Lt. Gen. Cirilito Sobejana.

Magugunitang sinabi ng US Defense Department na ang nakatatandang Sawadjaan ang pinaniniwalaang bagong lider ng Islamic State sa Pilipinas.

Siya rin ang hinihinalang nasa likod ng pagbomba sa Jolo Cathedral noong Enero na ikinasawi ng 23 katao.

Isang bangkay ang nakuha ng military kasama ang isang AK47 kasunod ng clearing operation sa encounter site.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment