BINARIL NA BRODKASTER BINAWIAN NA NG BUHAY

(NI DONDON DINOY)

DAVAO CITY–Binawian na ng buhay ang dating station manager ng Radyo Ni Juan sa Tacurong City, Sultan Kudarat, 31 araw matapos pagbabarilin.

Ang biktimang si Benjie Caballero, kasapi ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Kidapawan chapter, ay limang beses na timaan ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan, habang naghihintay ng traysikel sa harap ng kanyang bahay noong Oktubre 30.

Agad itong isinugod sa St. Louis Hospital kung saan sumailalim sa isang surgical operation upang maalis ang mga balang pumasok sa kanyang baga.

Ipinasok ito sa intensive care unit ng ospital matapos ang maselang operasyon.

Nobyembre 30 nang inilipat ito sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa  Davao City ngunit, dakong alas 3:23 ng madaling araw kanina, Linggo, Disyembre 1, sinabi ng kapatid nitong si Abdullah na binawian na ng buhay.

Si Caballero, ayon sa kanyang mga kaibigan at kasama sa trabaho, ay isang hard-hitting radio commentator kung saan maraming nasa gobyerno ang kanyang inatake sa kanyang public affairs program sa Radyo Ni Juan FM.

Ayon sa mga imbestigador, patuloy nilang inaalam kung sino ang responsable sa pamamaslang kay Caballero

Si Caballero ay isang Muslim at nakatakdang ilibing ng kanyang pamilya sa ilalim ng ritwal ng Islam sa kanyang lugar sa M’lang, Cotabato, ngayong araw.

Naging kasapi din ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) si Caballero.

Related posts

Leave a Comment