BEBOT NA AKYAT-BAHAY TIKLO SA TANOD

ARRESTED WOMAN

CAVITE –  “Lalabas lang ako ng bahay.” Ito ang sagot na pinagdudahan at naghatid sa kulungan sa isang 32-anyos na babae nang hindi nito nasagot ang tanong kung kaninong bahay siya galing sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito.

Nakakulong ngayon sa Rosario Municipal Police Station ang suspek na si Lea Gonzales, single, ng Brgy. 7, Dalahican, Cavite City, dahil sa reklamo ni Lilibeth dela Cruz, 50, isang balo, ng Brgy. Bagbag 2, Rosario, Cavite.

Sa ulat ni Corp. Lynard Pareja ng Rosario Municipal Police Station, dakong alas-4:00 nitong Huwebes ng hapon nang sitahin ng nagpapatrulyang mga barangay tanod na sina Raul Garica, 53, at Chris Dawis, 21, ng Brgy. Bagbag 2 ng naturang bayan, ang suspek habang tila nagmamadaling papalabas ng gate ng biktima.

Ngunit ikinatuwiran ng suspek na lalabas lamang siya sa kanilang bahay dahil may bibilhin sa tindahan na pinagdudahan ng dalawang tanod kaya tinanong kung ano ang pangalan ng nakatira sa kanilang bahay ngunit mali ang isinagot nito dahilan upang imbitahan sa tanggapan ng barangay.

Dito nabuking ang suspek dahil kilala ng mga tanod ang nagmamay-ari ng bahay at nang inspeksiyunin ang suspek ay nakuha rito ang dalawang celphone at wallet na naglalaman ng P5,400.

Nabatid na wala sa kanilang bahay si Dela Cruz at nakapasok ang suspek sa loob nito sa pamagitan ng pagsira ng bakod. (SIGFRED  ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment