BATANGAS NIYANIG NG 37 LINDOL, BIYAHE NG BUS KANSELADO

phivolcs lindol12

NASA 37 sunud-sunod na lindol ang naranasan ng mga Batangueno sa buong magdamag kaugnay ng pagsabog ng Taal volcano.

Ayon sa Phivolcs, tectonic origin ang mga lindol na wala namang gaanong magiging epekto sa mga gusali at mga kongkretong bahay.

Gayunman, pinag-iingat pa rin ang lahat sakaling muling lumindol.

Aabot naman sa 35,000 pamilya o higit pa ang pamilyang inilikas sa iba’t ibang lugar upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

Karamihan umano sa mga inilikas ay hindi makapaniwala dahil nanonood pa sila rito nang sumabog ang bulkan.

Ayon pa sa kanila, hindi sila naniniwalang puputok ng ganito kalakas ang Taal Volcano dahil taon-taon itong nagbabanta ng pagputok ngunit hindi naman natutuloy.

Matatandaang nagkaroon din ng ganito katinding pagsabog ang Taal Volcano noong 1977.

Samantala, kanselado ang klase sa buong Batangas at Metro manila maging ang mga biyahe ng bus patungong Maynila at pabalik dahil walang madaanan, ngunit alerto 24-oras ang lahat ng mga ospital na pribado at publiko para sa mga inaasahang dagsa ng mga pasyenteng inatake ng hika, high blood at sakit sa puso sanhi ng ashfall.

Nakaabang din ang lahat ng ambulansya at volunteers ng Red Cross para sa mga hihingi ng saklolo.

Maging ang TV host na si Willie Revillame ay personal na nag-ikot sakay ng kanyang chopper upang tiyaking walang naiwang residente malapit sa apektado ng pagsabog ng bulkan. (NENET L. VILLAFANIA)

Related posts

Leave a Comment