2 BANGKAY NG LALAKI NATAGPUAN SA PUTING VAN SA CAVITE

crime

(NI ROSS CORTEZ)

DALAWANG bangkay ng hinihinalang salvage victim ang nadiskubre sa isang abandonadong  van  sa Brgy. San Rafael 4 bayan ng Noveleta Cavite, Biyernes ng hapon.

Inabot ng halos limang oras bago nabuksan ang nasabing van, na unang napansin ng residenteng si Ricky Baldon at ng mga batang naglalaro sa lugar, dahil sa hindi kanais-nais na amoy na nanggagaling dito at sa tumutulong dugo sa pintuan ng sasakyan

Miyerkoles pa umano nang mapansin ang nakaparadang puting van sa lugar, na hindi gaanong binigyan ng halaga dahil pangkaraniwan na raw na pinaparadahan ng mga sasakyan ang lugar.

Naaagnas na ang bangkay ng dalawang lalaki nang mabuksan ang van, luwa ang mga mata at dila, nakabalot ng packaging tape ang mga katawan at posibleng pinatay sa bigti dahil sa nakapulupot na tela sa leeg ng mga ito.

Inaalam na ngayon ng pulisya ang pagkakakilanlan sa mga biktima at kung kanino nakarehistro ang puting van na sinasabing inarkila sa Mindoro, tatlong araw na ang nakalilipas mula nang madiskubre ang abandonadong van sa Cavite.

Naghahanap na rin ng mga cctv footage ang pulisya sa mga lugar na posibleng dinaanan ng van bago ito inabandona ng mga suspek. Bineberipika na rin ang plate number nitong NEA 9089 sa Highway Patrol Group

Samantala, isang Mylene Monteclaro ang tumawag sa may akda at nagpakilalang hipag siya ng isa sa mga namatay na biktima sa van, na kinilalang si Miguelito Estrera na residente ng Bansud, Oriental Mindoro

Kapatid na bunso umano niya ang may-ari ng van na isang seaman, inarkila umano ang van noong Miyerkoles para bumiyahe pa Padre Pio, Batangas at nagsilbing driver ang bayaw niyang si Miguelito, kasama ang isa pa na kinilala lamang sa palayaw na ‘Ona’.

Hindi umano nila alam kung sino ang umarkila sa van dahil si Miguelito ang kausap nito.

Huling text message umano ni Miguelito sa misis nitong si Emie Estrera na pa Cavite sila noong Miyerkoles ng hapon.

Mula noon ay hindi na natawagan si Miguelito hanggang makita nila sa social media ang abandonadong van at mga bangkay sa loob nito.

Tugma rin sa mga biktima ang mga nakuhang driver’s license sa loob ng sasakyan.

 

Related posts

Leave a Comment