BANGAG NAPIGILAN SA PAG-SUICIDE

MAKARAAN ang tatlong oras ng tensyon, napigilan ang tangkang pagtalon mula sa isang gusali ng isang lalaking hinihinalang bangag sa ilegal na droga sa San Gregorio St., Paco, Manila, iniulat ng pulisya nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang nagtangkang magpakamatay na si Mark Leonard Dela Cruz, nasa 30 hanggang 35-anyos, tubong Bicol at residente sa Baclaran, Parañaque City.

Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-4:15 ng hapon nitong Miyerkoles nang umakyat si Dela Cruz sa gusali ng GCK International Incorporated sa 1431 San Gregorio St. sa Paco.

Nakahubad ng pang-itaas at nakasuot lamang ng shortpants na itim si Dela Cruz nang umakyat sa gusali hanggang sa mapigil sa pagtalon bandang alas-7:40 ng gabi.

Napag-alaman sa report ni Manila Fire District Fire Inspector Christopher Andrade, residente umano si Dela Cruz sa Baclaran at matindi ang galit sa hindi binanggit na pangalan dahil sa pambubugbog sa kanya.

Bunsod nito, pumunta sa itaas ng nasabing gusali si Dela Cruz na mistulang nagpapahangin lang sa pagkakaupo sa tuktok habang nakalaylay ang mga paa.

Habang nagkakagulo ang mga tao sa ibaba sa panonood sa kanya, kinumbinsi siyang bumaba ng ilang lalaki.

Ngunit pasigaw umanong sumagot si Dela Cruz ng “Ayoko ko, gusto ko nang mamatay!”.

Bandang 6:00 ng gabi, hiniling umano ni Dela Cruz na puntahan siya ng PDEA at media.

Agad namang inihanda ng mga tauhan ng Manila Fire Department at TxtFire Phils. ang pangsalo at iba pang gamit sa pagsagip kay Dela Cruz katulad ng fire ladder with basket na sinakyan ng dalawang bombero.

Pagkaraan ay bigla siyang dinakma ng dalawang bombero upang maisakay sa basket para maibaba ngunit pinagsusuntok sila ni Dela Cruz.

Gayunman agad siyang naigapos ng mga bombero at matagumpay na naibaba saka isinakay sa nag-aabang na ambulansya. (RENE CRISOSTOMO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment