BALLOT BOX, NATAGPUANG PALUTANG-LUTANG

maguindanao map12

(NI BONG PAULO)

NORTH COTABATO – Natagpuang palutang-lutang sa isang latian o bagsakan ang isang ballot box na naglalaman ng mga balotang hindi umano naisama sa bilangan noong nakalipas na May 13 elections sa Barangay Sambulawan sa Datu Salibo, Maguindanao, iniulat kahapon.

Ang naturang ballot box ay natagpuan ng mangingisdang si Moadz Mindao sa nasabing barangay noong nakaraang linggo.

Sabi ni Mindao, napagkamalan niya pang buwaya ang lumulutang na ballot box kaya’t natakot siyang lapitan ito.

Ngunit nang makumpirmang isa ngang ballot box ang kanyang nakita ay kaagad naman niya itong ipinagbigay-alam sa kanilang barangay officials.

Agad ding nai-turnover sa local election office ng bayan ang naturang ballot box.

Ayon naman sa local election office ng bayan, wala umanong epekto sa naging resulta ng halalan kahit bilangin pa ang mga balotang laman ng natagpuang ballot box.

Mayroong 9,504 registered voters sa Datu Salibo. Sa bilang na ito, halos limang libong mga botante lamang ang bumoto noong May 13.

Naiproklamang bagong halal na alkalde si Solaiman Sandigan na nakakuha ng 2,729 boto, habang 1,427 boto naman ang nakuha ni outgoing mayor Norodin Salasal.

Mayroong 1,778 na mga rehistradong botante sa Barangay Sambulawan kung saan nakuha ang ballot box.

 

Related posts

Leave a Comment