BAHAY NILUSOB; LALAKI NIRATRAT SA HARAP NG PARTNER

crime

(NI JUN V. TRINIDAD)

LUCENA CITY – Isang lalaki na hinihinalang sangkot sa operasyon ng iligal na droga ang binaril at napatay sa loob ng kanyang bahay sa lungsod na ito noong Huwebes.

Sa report ng pulisya, masayang nagkukuwentuhan sa loob ng kanilang bahay ang biktimang si Christian Nuera, 28, at ang kanyang live-in partner na si Chris Chenery Datinguinoo, nang biglang pumasok sa loob ng tahanan ang dalawang lalaki na armado ng hindi pa matiyak na kalibre ng baril na parehong may suot na maskara.

Batay sa testimonya ni Datinguinoo, inutusan umano si Nuera ng dalawang armadong bisita na ilabas ang iligal na droga na nasa pag-iingat ng biktima.

Nang hindi sundin ang utos ay bigla na lang binaril sa ulo ang biktima na siya nitong dagliang ikinamatay.

Iniwan ng mga namaril si Datinguinoo na hindi naman sinaktan.

Hindi kinumpirma sa report kung may talagang kinalaman ang biktima sa lokal na sindikato ng droga.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang kilalanin ang mga pumatay.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment