ANIM NA CHINESE NATIONAL HULI SA KIDNAP, RAPE NG 3 BABAE

(NI JESSE KABEL/PHOTO BY CJ CASTILLO)

ANIM na Chinese national ang inaresto ng awtoridad sa Bacoor City, Cavite dahil sa umano’y pagdukot sa dalawang babaeng Chinese at isang Vietnamese na hinihinalang ginahasa pa ng grupo.

Nabatid na nagsagawa ng operation ang mga tauhan ng PNP Anti Kidnapping Group nang magsumbong sa kanila ang mga nobyo ng mga biktima na umanoy dinukot ng mga suspek noong Miyerkoles at Huwebes.

Sinasabing kinuha ng mga suspek ang isang babaeng Tsino at isamg Vietnamese habang palabas ng  isang restoran sa Pasay City habang ang 1 pang Chinese ay tinangay mula sa casino.

Sa impormasyong ibinahagi ni  Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) acting chief Lt. Col. Villaflor Bannawagan, ipinatutubos ng mga suspek sa kani-kanilang mga nobyo sa malaking halaga ang mga biktima kapalit ng kalayaan ng mga ito.

Nabatid na napilitang magsumbong ang mga boyfriend ng mga biktima sa awtoridad na mabigong mabawi ang mga biktima kahit na nagbayad na sila ng ransom.

Agad namang natunton ang pinagtataguaan ng mga suspek kaya na-rescue ang mga dinukot na  babae.

“They raped me, they kidnapped me,” ayon sa Vietnamese nang isalang ito sa debriefing ng mga awtoridad .

“We came here for tour. We don’t know them, they don’t know us. They kidnapped us, they want money. If we don’t give money, they torture me,” ayon naman sa isang Chinese.

“Sabi ng mga biktima, pinapalo, may pinakitang stainless bar and parang cutter sa kanila na kapag daw re-rape-in sila, tinutukan sila noon. And may pasa pa sila sa mga maseselang bahagi,” ani Police Lt. Col. Joel Saliba, public information officer ng PNP-AKG.

Kasalukuyang inilagay muna sa  kustodiya ng PNP-AKG ang mga suspek, na ayaw magbigay ng pahayag dahil hindi umano makausap dahil hindi nagsasalita ng Ingles.

Inaalam pa kung miyembro ng sindikato ang mga Chinese at kung ano ang motibo sa krimen.

Related posts

Leave a Comment