AGAWAN NG LUPANG SAKAHAN: 3 PATAY

crime

(NI BONG PAULO)

NASAWI ang tatlo katao makaraang sumiklab ang labanan sa pagitan ng Islamic Liberation Front (MILF) at mga armadong sekyu ng isang plantasyon ng saging sa Barangay Tukanalugong sa Datu Abdullah Sangki (DAS), Maguindanao, Lunesng hapon.

Sinabi ni Maguindanao PNP Director, Police Col. Ronald Briones, nagkasagupa ang grupo nina Kumander Tommy at Adrex Cali sa plantasyon ng saging sa Barangay Tukanalugong ng naturang bayan, alas-2:30 ng hapon.

Ang mga nasawi sa panig ng MILF ay kinilalang sina Datu Ila Mohammad at Toy Taha, habang ang nasawi sa panig ng mga armadong security na pinamumunuan ni alias Kali ay hindi pa tukoy.

Sugatan naman ang isang Tanto Abdul, isang civilian security volunteer, na dinala sa Isulan Provincial Hospital sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat.

Nabatid na personal na alitan sa pamilya dahil sa pinag-aagawang lupang sakahan at plantasyon ang dahilan ng bakbakan.

Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng putok ng magkabilang panig kaya naman daan-daang mga sibilyan ang lumikas patungo sa mas ligtas na lugar.

Humupa lamang ang engkwentro nang dumating ang mga pulis at sundalo.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang mapayapang negosasyon ng mga lokal na opisyal sa bayan para resolbahin ang gulo ng dalawang grupo.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment