AFTERSHOCK SA MISA: GINANG INATAKE SA SIMBANG GABI

(NI DONDON DINOY)

SULOP, Davao del Sur—Nagdadalamhati ngayon ang pamilyang Momo matapos pumanaw ang 45-anyos na ginang na inatake sa puso sa loob ng kanilang simbahan habang dumalo sa Simbang Gabi noong Miyerkules, Disyembre 18.

Ayon sa ulat nagsimba sa San Roque Catholic Church si Josephine Momo kasama ang live-in partner na si Jaime Llammos nang biglang yumanig ang magnitude 5.3 na aftershock.

Si Jaime ay kagawad ng Pangulo ng Liturhiya (PSL) at nasa serbisyo sa altar ng simbahan nang mangyari ang pagyanig.

Aniya, nakita na lamang nito na naglabasan ang mga tao at nawala na si Josephine sa kinauupuan nito sa harap ng altar sa simbahan.

Inakala ni Jaime na lumabas lang ang kinakasama dahil sa lindol ngunit nabigla na lang siya ng makatanggap ng balita na nasa pagamutan na si Josephine.

Isa sa mga nakasaksi sa nangyari ay si Edgar Dafosala, municipal administrator ng bayan, na nagsabing nakita na lamang niya na biglang hinimatay ang biktima nang malapit na ito sa pintuan ng simbahan.

Agad na tinulungan ng ibang mananampalataya si Josephine upang dalhin sa pagamutan.

Ngunit makalipas ang ilang minuto ay binawian na ito ng buhay.

Inamin ni Jaime na may sakit sa puso si Josephine at madalas itong nakararanas ng nerbyos.

Hindi inakala ni Jaime na mag-panic ang kinakasama matapos ang pagyanig dahil wala namang epekto sa kanya ang tatlong magkakasunod na malakas na lindol noong buwan ng Oktubre.

Mas lalo pang nagdadalamhati si Jaime dahil wala siya sa tabi ng kinakasama upang tulungan ito matapos na isugod sa pagamutan at namatay.

 

Related posts

Leave a Comment