CCTV FOOTAGE NG PAGDUKOT SA EX-AIDE NG MAYOR, INILABAS

sta rosa12

(NI NILOU DEL CARMEN)

TUMAGAL ng halos walong minuto ang pagkakadukot ng mga armadong kalalakihan  kay Allan Fajardo at sa driver nito na si Ricky Atienza sa loob ng Misto Restaurant,  sa SEDA Hotel-Nuvali noong Abril 3.

Sa kuha ng CCTV camera  ng hotel, alas 7:43 ng  gabi nang dumating ang sasakyan nina  Fajardo at diretsong pumasok sa loob ang dalawa.

Alas 7:51 naman dumating ang puting van at bumaba ang nasa 11 pawang nakaitim na kalalakihan at armado ng mahahaba at maiiksing kalibre ng baril.

Tinutukan ng dalawa sa mga suspek ang dalawang security guard habang pumasok ang siyam sa loob habang naghihintay naman sa labas ang van.

Sa kuha sa loob, isa-isang nilapitan ng mga kalalakihan ang mga nakadapang kostumer na tila hinahanap sina Fajardo.

Muling nakita ang mga ito sa kuha sa labas ng hotel dakong alas 7:59 habang kaladkad na ang dalawa na isinakay sa van.

Dalawang magkaparehong van na ang sinakyan ng mga suspek paalis sa lugar.

Samantala tumanggi na ang pamilya ni Fajardo na paimbestigahan pa sa PNP ang nagyaring pagdukot.

Sa pamamagitan ng waiver, sinabi ng mga ito na sa National Bureau of Investigation na nila ipinapaubaya ang pag-iimbestiga.

Wala na  umanong kumpiyansa ang pamilya ni Fajardo sa puwersa ng Calabarzon police dahil sa hindi nito pag-intindi sa pagdukot kay Fajardo na nasa kanilang reponsibilidad.

Una nang sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng pamilya, sa isang presscon, na mga pulis lamang ang may kapasidad na gawin ang nabanggit na istilo ng pagdukot.

Nag-alok na rin ng pabuyang P1 milyon   ang pamilya sa makapagbibigay ng impormasyon para matunton ang kinaroroonan ng biktima.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment