90 KABAHAYAN NATUPOK, 50 PAMILYA HOMELESS

fire123

DAVAO City – Aabot sa 50 pamilya ang nawala ng tirahan matapos matupok sa sunog ang kanilang bahay dakong alas-10:30 ng umaga noong Miyerkoles, Enero 15, sa Purok 2, Bryco, Barangay 5-A, Bankerohan nitong lungsod.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Bangoy District, patuloy silang nagsasagawa ng imbestigasyon upang alamin ang posibleng sanhi ng sunog.

Ngunit ayon sa isang residente, napabayaang sinaing na nakalagay sa kalan ang pinagmulan ng apoy na nagresulta sa sunog.

Dahil pawang yari sa light materials ang halos lahat ng mga kabahayan ay mabilis na kumalat ang apoy at nilamon ang mga barong-barong sa gilid ng Davao River sa Governor Generoso Bridge sa Bankerohan.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na naideklarang fire-out dakong alas-12:45 ng tanghali.

Nilinaw naman ng BFP na walang namatay sa sunog ngunit may ilang residente ang nasugatan matapos magpumilit na iligtas ang kanilang mga gamit.

Sinabi ni Brgy. 5-A Kagawad Gege Mata, pansamantala nilang inilagay ang mga residente sa Bankerohan Gym at ipagagamit sa mga ito ang “Project Hope” ng barangay.

Sa inisyal na talaan ng BFP-Bangoy Fire Department, umabot na sa 90 kabahayan ang natupok sa sunog ngunit patuloy pang binibilang ng City Social Services and Development Office (CSSDO) ang mga pamilyang apektado. (DONDON DINOY)*

Related posts

Leave a Comment