8 PUSHERS TIKLO SA P3-M SHABU

SHABU BUYER

DAVAO City – Arestado ang walong hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang matiktikan sa isang checkpoint ang P3 milyong halaga ng umano’y shabu na tangkang ipasok sa lungsod na ito, dakong alas-5:00 ng hapon noong Sabado.

Sa ulat ng Davao City Police Office (DCPO), kinilala ang mga suspek na sina Abolkaer Cabugatan, 48; Oden Busran, 45; Mohammad Gubat, 32; Jerry Ali, 51; Lando Ali, 50; Rosalyn Abdulgani, 40; Eddie Acop, 44, at Norlayla Dipatuan, 19-anyos.

Napag-alaman, tinatayang 178.61 gramo ng umano’y shabu ang nakumpiska sa inilatag na checkpoint ng Task Force Davao sa Barangay Lacson sa bayan ng Calinan.

Sinabi ng DCPO, nakasakay sa isang Toyota Innova ang walong suspek na mula sa Lanao del Sur at papasok sana sa lungsod.

Nang tingnan ang sling bag na dala ng mga suspek, nakita umano ng mga awtoridad ang droga sa loob nito.

Agad itinuro ng anim na mga suspek ang kanilang kasama sa sasakyan na si alyas Abdulkaer na siya umanong nagmamay-ari ng mga droga na agad ding umamin na siya nga ang may dala nito.

Nasa kustodiya na ng Calinan Police Station ang mga suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (DONDON DINOY)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment