500K EVACUEES SA BICOL REGION, INILIKAS

(NI NICK ECHEVARRIA)

UMAABOT na sa halos kalahating milyon ang bilang ng mga residenteng inilikas sanhi ng pagragasa ng bagyong Tisoy sa Bicol  Region.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 5 na siyang nagsilbi bilang first responders matapos manalasa si Tisoy, pumalo na sa 455, 232 hanggang nitong alas-5:00 ng umaga ng Martes ang mga inilikas sa 2,880 na  mga evacuation center sa nasabing  rehiyon partikular  sa mga lalawigan ng Albay, Catanduanes, Camarines Norte at Sur gayundin sa Sorsogon at Naga City.

Nabatid din na may dalawang casualties ang naitala dulot ng bagyo, kung saan 1 ang patay matapos na makuryente sa Libmanan habang 1 naman ang sugatan sa Polangui matapos bagsakan ng puno.

Kinilala ng Libmanan Municipal Police Station (MPS) sa Camarines Sur ang nasawi na si Marco Paolo Ursua, 33, vendor, ng Centro B, Brgy. Loba-Loba ng nasabing bayan.

Inaayos umano ng biktima ang bubong ng kanilang bahay pasado alas-10:00 ng umaga nitong Lunes bilang paghahanda sa bagyo nang dumikit sa yero ang isang damaged live wire na naging dahilan ng pagkakakuryente nito.

Dahil sa lakas ng kuryente dumausdos ito sa kanal malapit sa kanilang bahay, kung saan natagpuan ang bangkay nito.

Samantala nasa 52 bayan at mga lungsod naman ang iniulat na nawalan ng kuryente sa Bicol sanhi ng bagyong Tsioy habang nasa 4,093 na mga pasahero sa mga pantalan  ang istranded.

Bagama’t walang naitalang matinding pinsala sa mga gusali at kabahayan, nasa 20 naman ang mga kalsada sa rehiyon ang iniulat na nalubog sa baha.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment