5 PATAY, 33 SUGATAN SA TRUCK VS BUS

(NI JUN V. TRINIDAD)

QUEZON – Lima ang namatay at nasa 33 ang sugatan sa aksidente ng banggaan ng delivery truck at pampasaherong bus sa bayan ng Pagbilao sa lalawigang ito, Sabado ng hapon.

Sa spot report mula kay Colonel Audie Madrideo, Quezon police chief, ang Mitsubishi Canter aluminum close van na minamaneho ni Sander Soliveres ay aksidenteng sumalpok sa kasalubong na CUL Transport bus na minamaneho naman ni Reynaldo Samilo sa new diversion road sakop ng Barangay Silangang Malicboy bandang 4:30 ng hapon.

Limang pasahero ng bus ang namatay sa naganap na banggaan at 33 naman kabilang si Samilo ang nasugatan na isinugod sa mga ospital sa Pagbilao at Lucena City.

Wala pang pangalan ang limang namatay sa police report.

Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan umano ng kotrol si Soliveres sa kanyang sasakyan sa palusong na bahagi ng diversion road dahil sa pumalpak na preno hanggang sa sumakop sa kabilang linya at banggain ang kaliwang bahagi ng pampasaherong bus.

Hindi pa matiyak ni Major Eric Villarete, Pagbilao police chief, ang kundisyon ng mga sugatan dahil sa kakulangan ng mga imbestigador.

“Merong imbestigador sa lugar ng aksidente, meron sa mga ospital. Pero ang marami sa mga biktima ay may mga bahagyang sugat lamang,” ani Villarete sa phone interview.

Napag-alaman kay Villarete na dalawa sa mga namatay ay lalaki at dalawa rin ang babae. Hindi pa niya matiyak ang impormasyon sa pang-limang biktima.

Related posts

Leave a Comment