5 OFW PAPUNTANG AIRPORT PATAY SA AKSIDENTE SA NLEX

accidentsign1

PATAY ang limang indibidwal habang nasa siyam na iba pa ang nasugatan at isa ang nawawala makaraang maaksidente ang kanilang sinasakyang semi-van sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa bayan ng Apalit, Pampanga, Sabado ng tanghali.

Sa panayam kay Supt. Elmer Decena, chief of police ng Apalit, kasalukuyan pa nilang inaalam ang pagkakakilanlan sa mga nasawi habang naisugod naman sa iba’t ibang pagamutan ang siyam na kasamahan na lahat ay pawang mga Oversees Filipino Workers (OFW).

Sinabi pa ni Decena na isa pa sa kanilang kasama ang nawawala at kanila pa itong hinahanap habang isinusulat ang ulat na ito.

Lumalabas sa inisyal na ulat, pasado alas-12:00 ng tanghali nang maganap ang aksidente sa bahagi ng NLEX via duct sa north bound lane sa Barangay Tabuyoc habang ang mga biktima ay lulan sa isang Hyundai H100 semi van o kapareho ng isang L300 van.

May kabilisan umano ang takbo ng sasakyan nang biglang pumutok ang likurang bahagi ng gulong kung saan napunta sa ikatlong lane mula sa second lane at tuloy tuloy itong bumaligtad, nagpagulong gulong hanggang tumilapon at mahulog sa ilalim ng tulay ang mga biktima.

Sinasabing mga empleyado ng manpower agency ang mga biktima na nakatakda sanang ihatid sa Clark International Airport sa Pampanga para bumiyahe palabas ng bansa, Sabado ng tanghali.

Patuloy pa ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad kaugnay ng malagim na trahedya.

 

Related posts

Leave a Comment