5 EX-OFW ARESTADO SA P5-M SHABU

shabu kulong 12

CAVITE – Nadakip ang limang dating overseas Filipino worker (OFW) makaraang makumpiskahan ng P5 milyong halaga ng umano’y shabu na nakalagay sa mga lata ng gatas at ibinaon sa lupa sa Bacoor City sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga suspek na sina Aisa Juiamalo, 58, umano’y lider ng drug syndicate at recruiter; Bainot Saidali, 40; Nasser Makalpal, 38; Baebon Mohammad, 25, at Ramona Punyong, 31-anyos.

Sa report ni P/Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City Municipal Police Station, nagkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Bacoor CPS dakong alas-2:45 ng madaling araw nitong Biyernes sa  Houston St., Georgetown Phase 2, Brgy. Molino 4  at dakong alas-3:20 ng madaling araw sa Latero, at Brgy. San Nicolas, pawang sa naturang Lungsod.

Unang isinagawa ng operasyon sa Brgy. Macrol kung saan naaresto si Punyong at nakumpiska ang tinatayang 55.5 gramo ng shabu na P377,400 ang street value.

Sumunod na ikinasa ang operasyon sa Brgy. Molino at nadakip sina Julamalo, Saidali at Makalpal at  nasamsam ang tinatayang 635 gramo ng shabu na may street value na P4,318,000.

Habang ang huling operasyon ay isinagawa sa Brgy. San Nicolas  kung saan naaresto si Mohammad  at nakuha sa kanya ang tinatayang 50.10 gramo ng shabu na may street value na P340,880.

May kabuuang P5,026,280 halaga ng mga nasamsam na shabu sa nasabing operasyon.

Ayon kay Cabatingan, lumuwas umano sa Maynila sina Juiamalo, Saidali at Makalpal habang naghihinatay ng tawag ng kanilang recruiter para makapagtrabaho sa abroad at dahil mauubusan ng panggastos ay luminya sa pagbebenta ng ilega na droga.

Nabatid na dating mga OFW  ang tatlo at bumalik lamang sila matapos ang kanilang kontrata.

Dagdag pa ni Cabatingan, ang modus operansi ng mga suspek ay ilagay sa lata ng gatas ang mga droga bago ibaon sa lupa upang maitago at saka lamang ilalabas kapag may buyer na ang mga ito. (SIGFRED  ADSUARA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment