49 CHINESE POGO WORKERS BIKTIMA NG FOOD POISONING

(NI ROSS CORTEZ)

UMABOT sa 49 Chinese national na pawang residente at POGO workers ng First Orient International Ventures (dating Island Cove) sa Barangay Pulvorista, bayan ng Kawit Cavite, ang isinugod sa dalawang magkakahiwalay na ospital, Huwebes ng umaga dahil sa umano’y food poisoning.

Halos magkakasabay dumaing ng sakit ng tiyan at pagkahilo ang mga biktima matapos kumain sa canteen ng kompanya.

Isinugod sa San Juan De Dios Hospital sa Pasay City ang 19 sa mga biktima habang ang iba ay sa Binakayan Hospital and Medical Center dinala.

Ayon kay Kawit MPS Pssg Nelvin Trajico, duty investigator, nag-ocular inspection sila sa loob ng First Orient International Ventures at pawang mga Chinese food rin umano ang iniluto sa in-house canteen, ngunit hindi inaalis ang posibilidad na may mga pagkaing galing sa labas na posible ring dahilan ng food poisoning

May mga pagkakataon din umano  na nagpapadeliber  ng mga pagkain mula sa labas (fast food) ang mga biktima.

Mag-alas 11:00  ng umaga naman nang isugod na rin sa Binakayan Hospital and Medical Center ang 20 iba pang Chinese national na dumaing rin ng matinding pananakit ng tiyan.

Mula emergency room ng ospital ay diretso silang inadmit at inilipat sa private rooms. Kasalukuyan pang hinihintay ang resulta ng mga pagsusuri sa mga pasyente at pagsusuri rin sa mga pagkaing pinaghihinalaang sanhi ng food poisoning

Hindi pa rin nagbigay ng pahayag ang Binakayan Hospital and Medical Center dahil sa umiiral na data privacy law, habang naghihintay pa rin sila ng resulta sa mga isinagawang pagsusuri

 

Related posts

Leave a Comment