4 PULIS NAHULOG SA BANGIN, PATAY

ILOILO City – Patay apat na mga pulis habang 31 ang sugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang 6×6 truck na nawalan ng preno, iniulat noong Sabado sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga namatay na sina Police Corporal Emerson Peniarubia, Patrolman Rex Agupitan, Patrolman Antonio Tumanday at Patrolman Prince Angelo Supiter, pawang mga tauhan ng 6O1st Regional Mobile Force Battalion na nakabase sa naturang lugar.

Nilalapatan naman ng lunas ang mga sugatan sa iba’t ibang ospital.

Lima sa kanila ay dinala sa Iloilo Saint Paul’s Hospital, 17 sa West Visayas State University Medical Center, tatlo sa Iloilo Mission Hospital habang ang iba ay out-patient.

Batay sa report ng Iloilo-PNP, dakong alas-1:00 ng hapon noong Sabado nang mangyari ng insidente sa Barangay Ginomoy, Alimodian, Iloilo.

Kuwento ng driver ng truck na si Albert, papasok na sa kampo ang kanilang sasakyan nang bigla na lamang nagkaroon ng aberya.

Nang apakan niya ang preno ay hindi na kumagat dahilan para magtuloy-tuloy ang truck sa bangin na may lalim na 100 talampakan, na ikinamatay ng apat na mga pulis at ikinasugat ng iba pa.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa insidente. (KIKO CUETO/JESSE KABEL/ANNIE PINEDA)

 

Related posts

Leave a Comment