4 MANGINGISDA NALIBING NANG BUHAY SA MINAHAN

crime12

(NI NICK ECHEVARRIA)

NALIBING  nang buhay ang apat na mangingisda makaraang pasukin ang isang abandonadong ‘open pit mining’ sa Rapu-Rapu, Albay.

Ayon sa naantalang report  ni P/Major Ma. Luisa Calubaquib, spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 5 nitong Miyerkules, wala nang buhay nang matagpuan sa loob ng nasabing minahan sa Purok 5, Brgy. Batan ng naturang bayan, ang mga biktimang  sina Orly Bisco, 36; Timoteo Balunzo, 30; Salvador Bata, 25; at Erwin Velasco, 29.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng Rapu-Rapu Municipal Police Station (MPS), bandang alas- 5:00 ng hapon nitong Hunyo 24, sa  lote na pag-aari umano ng isang Shian Banania nangyari ang insidente.

Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nag-utos sa mga biktima na pasukin para kunin sa loob ng abandonadong open pit mining ang isang submersible pump na matagal na umanong naiwan doon.

Nabatid na unang pumasok sa loob ng minahan sina  Veloso at Salvador subalit hindi na nakalabas ang mga ito kaya sinundan naman nina Balunzo at Bisco para saklolohan sana ang dalawang kasamahan subalit maging sila man ay hindi na  nakalabas sa hukay.

Paliwanag naman ng hepe ng Rapu-Rapu MPS na si P/Captain Dante Bonafe,  mag- aalas-6:00 na ng gabi nang matanggap nila ang ulat kaya agad  nakipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) Rapu-Rapu at Regional Health Unit (RHU) para sa isang search and retrieval operation.

Unang nakuha ang bangkay nina Velasco at Bata habang kinabukasan na (June 25)  nang makuha ang bangkay naman nina Balunzo at Bisco.

atuloy namang inaalam ng pulisya kung sino ang lalaking nag-utos sa apat na biktima para pasukin ang matagal nang abandonadong minahan na naging sanhi ng kamatayan ng mga ito.

Related posts

Leave a Comment