3 PATAY, 77 SUGATAN SA ATIMONAN ‘KILLER ROAD’

KILLER ROAD12

(NI JUN V. TRINIDAD)

ATIMONAN, Quezon – Tatlo tao ang namatay at 77 ang sugatan matapos salpukin ng isang tourist bus ang kasalubong na cargo truck sa bahagi ng Maharlika Highway diversion road sa bayang ito, Lunes ng gabi.

Habang binabagtas ng AMV Travel and Tours Bus na minamaneho ni Maximo Leoriego patungong Bicol ang palusong na bahagi ng diversion road ay aksidenteng bumangga ito sa kasalubong na wing-van type truck sa Barangay Sta. Catalina bandang alas-6:00 ng gabi, ayon sa report ni Police Major Michael Encio, Atimonan police chief.

Dead on the spot ang tsuper ng trak na si Benedict Borja Belencio, 29, at ang pahinanteng si Michael Gerona Sy, 28, na parehong naipit sa loob ng kanilang sasakyan.

Inabot ng ilang oras bago naialis ng mga rescuers ang bangkay ng dalawang biktima mula sa loob ng nayuping unahang bahagi ng trak.

Patay din agad ang isang pasahero ng bus na si Pio Jacob Del Monte, 46, sanhi ng mga grabeng pinsala sa katawan.

Ang tsuper ng bus na si Leoriego, at ang 75 lima pa niyang pasahero at ang isa pang pahinante ng trak na pawang nagtamo ng mga sugat ay isinugod sa Doña Martha Memorial District Hospital at Nuestra Señora Delos Angeles General Hospital sa kabayanan.

MGA BIKTIMA NINAKAWAN

Ang ibang grabe ang pinsala ay dinala naman sa ilang ospital sa Lucena City.

Sa pangunahing imbestigasyon, napag-alaman na nag-overtake ang pampasaherong bus sa isang sasakyan na siya umanong posibleng dahilan kung bakit nagkabanggaan ang mga ito.

Nagreklamo naman ang isang pasahero ng bus sa umano’y ginawang pandarambong ng ilang tao na unang sumaklolo sa aksidente.

Sa panayam ni Peewee Bacuño ng GMA7, sinabi ni Imerson Maghirang na sa halip na tumulong ay “ninakawan pa kami ng pera, pagkain at kung anuman ang mga kinuha nila sa loob ng bus”.

Naging sanhi ng mahabang pagkakabuhol ng trapiko ang aksidente kaya napilitan ang mga awtoridad na padaanin ang mga malalaking sasakyan sa Bondoc Peninsula highway mula sa Barangay Malicboy, Pagbilao  hanggang Pitogo-Gumaca junction.

Madalas na maganap ang mga aksidente sa palusong na bahagi ng nasabing lansangan na kilala rin sa tawag na Zigzag Diversion Road.

Dahil sa mga sakuna na nagreresulta sa maraming biktima, ang nasabing bahagi ng diversion road ay binansagan na “Killer Road”.

Noong October 2013, 20 katao ang namatay at 54 naman ang sugatan nang magkarambola ang walong sasakyan sa nasabi ring lugar.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment