3 ARMADO PATAY SA BULACAN ENCOUNTER

(NI ELOISA SILVERIO)

PATAY ang tatlong hinihinalang mga holdaper  na sinasabing mga ‘ex-military’ nang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Pandi Police makaraang masabat ng nasabing operatiba habang nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO), Linggo ng gabi sa E. De Guzman St. Barangay Poblacion, Pandi, Bulacan.

Sa report na ipinadala ni Bulacan Police acting director PCol. Emma Libunao kay Police Regional Office 3 (PRO3) PBGen. Rhodel Sermonia, hindi pa tukoy ang pagkakilanlan ng mga napaslang na suspek dahil sa dami ng mga identification card na narekober sa mga ito kabilang na ang PNP at military ID’s.

Kinukumpirma pa ng kapulisan kung ang mga napatay na suspek ay miyembro ng kapulisan o ex-military.

Ayon kay Col. Libunao, naganap ang madugong engkuwentro dakong alas-8:45 ng gabi nitong Linggo sa madamo at masukol na lugar nang tangkaing umiwas ang tatlong suspek sa isinasagawang “Operation Sita” ng Pandi Police na pinangungunahan ni PMaj. Joy Placido na bahagi ng PNP-SACLEO.

Base sa panimulang imbestigasyon, namataan ng mga tauhan ni Maj. Placido ang tatlong suspek na aali-aligid sa tindahan ng Raon Appliance Center sakop ng Woodbridge ng Barangay Poblacion habang lulan ng isang motorsiklo.

Dahil kahina-hinala ang ikinikilos ng mga suspek at tatlo silang nakasakay sa isang motorsiklo ay tinangka ng kapulisan na i-flag down ang mga ito subalit mabilis na bumalikwas at patakas na humarurot agad itong hinabol ng mga nabanggit na operatiba.

Nasukol ang mga suspek sa isang madamong lugar kung saan dito na nagsimula ang engkuwentro at pagkaraan ng ilang minutong palitan ng putok ay pawang mga napatay ang tatlong suspek.

Ayon kay Libunao, inaabangan ng mga suspek ang pagsara ng nasabing establisyemento at pagkaraan ay hoholdapin dahil kasagsagan ngayon ng benta ng appliances dahil magpapasko.

Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang .9mm pistol, isang .38 caliber, isang granada, mga assorted ID’s ng PNP at militar at ang motorsiklong gamit ng mga suspek.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment