3 ANGGULO TINUTUTUKAN SA PINASLANG NA BRODKASTER

(NI NICK ECHEVARRIA)

AGARANG ipinag-utos ni Central Visayas PNP Director P/BGen.Val de Leon ang masusing imbestigasyon sa ambush-slay ng isang  radio blocktime broadcaster sa Dumaguete City, nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, tatlo ang posibleng motibo sa krimen ang tinututukan ngayon sa pananambang sa 67-anyos na si Dindo Generoso.

Isa sa mga anggulo ang pagiging  hard-hitting radio broadcaster umano ng biktima na posibleng may nasagasaan sa kanyang programa sa radyo, gayundin ang paghahain nito ng kandidatura sa mayoralty election noong 2016, subalit idineklarang nuisance candidate, at ang land dispute sa pamilya ng biktima.

Si Generoso na isang blocktime broadcaster sa 96.7 dyEm FM Station sa Dumaguete, ay tinambangan at napatay habang minamaneho ang kanyang kotse (YKU 946) papasok sa kanilang himpilan ng radyo bandang alas-7:30 ng umaga sa Brgy. Piapi, Huwebes ng umaga.

Pitong basyo ng kalibre .45 baril ang narekober ng mga nagrespondeng pulis sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

“We are now cooperating with the Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) for the immediate solution of this. We will not stop until those involved are brought to justice,” pahayag ni de Leon.

Si Generoso ang ika-15 sa bilang ng mga miyembro ng media na napatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment