25 PATAY SA DENGUE SA BULACAN

dengue12

BULACAN – Umabot na sa 25 katao ang namatay mula sa naitalang 10,307 kaso ng dengue sa lalawigang ito, noong taong 2019.

Bilang suporta sa National Zero Waste Month, pinaalalahanan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang publiko sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health, na ipagpatuloy ang paglilinis ng kapaligiran upang hindi na dumami pa ang kaso ng dengue sa lalawigan.

Sa pinakahuling datos ng Dengue Surveillance, may 10,307 na hinihinalang kaso ng dengue ang naitala sa iba’t ibang disease reporting units sa Bulacan noong 2019, sa bilang na ito ay 25 na ang namatay, mas mataas ng 41 porsyento kumpara sa 7,312 na kaso sa kaparehong panahon noong 2018.

Sinabi ni Governor Daniel Fernando, kilalang sumusuporta sa mga proyekto at programang pangkapaligiran para sa mas malusog na mga Bulakenyo, naniniwala siyang ang malusog na mamamayan ay produktibong mamamayan, dahilan upang ang kanyang mga Executive Order ay naka-angkla sa Republic Act No. 7160 na naglalaman nang pagpapaigting ng mga batas kontra polusyon gayundin ang pangangalaga sa kapaligiran at likas na yaman.

“Patuloy tayong maglinis ng paligid natin, para sa atin naman ito, lalo ngayon na ang daming kumakalat na sakit. Ang kaso ng dengue sa atin ay pataas hindi pababa kaya magtulungan tayo, maglinis tayo upang wala nang pamahayan ‘yang mga lamok na ‘yan,” ani Fernando.

Idinagdag din niya na ang paggunita ng Zero Waste Month sa unang buwan ng taon ay isang magandang istratehiya upang simulan ang taon nang tama at isang mahalagang paalala na maging maalam hinggil sa pagbabawas ng basura at kahalagahan ng malinis na kapaligiran. (ELOISA SILVERIO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment