22 SUGATAN SA SERYE NG PAGSABOG SA MINDANAO

(NI JESSE KABEL)

UMAKYAT na sa 22 ang bilang ng naitalang nasugatan kabilang dito ang walong sundalo sa naganap na mga pagsabog sa Cotabato City at dalawang bayan sa Maguindanao.

Unang naitala ang grenade explosion bandang alas 6:00 Linggo ng hapon sa kanto ng  Sinsuat at Quezon Avenues malapit lamang sa  Immaculate Concepcion Cathedral,  Cotabato City na ikinasugat ng walong sundalo na nagpapatrulya, ayon kay Maj  Arvin Encinas taga pagsalita ng Western Mindanao Command.

Dahil dito lalong hinigpitan  ang seguridad na ipinapatupad sa Cotabato City kasunod ng pagsabog ng granada sa naturang lungsod.

Sa impormasyon ni  Major Homer Estolas, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army, may mga kabataan na sakay ng isang motorsiklo ang naghagis ng granada sa nagpapatrulyang KM450 military truck malapit sa ICC Cathedral kung saan nagbabantay ang mga kasapi ng Task Force Cotabato.

Batay sa inisyal na impormasyon, nasa walong kasapi nito ang sugatan habang inaalam rin kung may nadamay na mga sibilyan.

Maliban dito, natagpuan din ng mga otoridad ang dalawang IED at pinasabog sa isang ligtas na lugar kung saan ginamitan ito ng disruptor.

Ayon kay Estolas, wala pa silang grupong natutukoy sa panibagong insidente ng karahasan at kung ano ang motibo nito ngunit tiniyak na ginagawa nila ang lahat upang mapanagot ang mga responsable sa nasabing pagpapasabog.

Isa ring  improvised explosive device ang pinasabog sa hindi kalauan lugar na ikinasugat ng isang nagdadaan.

Samantala, may anim na naitalang sugatan sa dalawang pagsabog na naganap sa Libungan, Cotabato province .

Dalawa naman ang nasugatan sa isa pang pagsabog sa bayan ng Upi, Maguindanao. Hinagisan din ng bomba ang isang  police station sa area subalit hindi ito sumabog .

Higit na pinaigting ngayon ang alerto ng military at pulis kasabay ng ginagawang imbestigasyon lalo pa at walang grupong umaaako pa sa insidente.

“We do not discount the possibility that Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) and Daesh-inspired groups are behind this,” ani  Major Arvin Encinas.

Magugunitang nuong nakaraang taon buwan din ng Disyembre ay nagkaroon ng pagsabog sa isang mall Cotabato na ikinamatay ng dalawa katao at ikinasugat ng 35 iba pa na iniugnay sa Islamic State-linked militants.

Related posts

Leave a Comment