2 PATAY, 15 SUGATAN SA PAGSABOG NG GRANADA

(NI JG TUMBADO)

TODAS ang isang pulis gayundin ang isang sibilyan habang tinatayang 15 pa ang sugatan nang maghagis ng granada ang mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Borongan City, Eastern Samar, Sabado ng hapon.

Kasabay nito ang mahigpit na pagkondena ng 8th Infantry Division ng Philippine Army sa pag-atake sa Barangay Libuton na ikinamatay ng isang lola at isang Patrolman Rama.

Tatlo naman sa mga nasugatan ay pawang mga menor de edad.

Dakong alas-3:00 ng hapon nang mag-detonate umano ng improvised explosive device ang mga rebelde habang dumaraan sa kalsada ng barangay Libuton ang patrol car na sinasakyan ng mga biktima.

Sinundan na ito ng pagpapaulan ng bala ng baril ng mga kasapi ng NPA.

Maliban sa pulis na namatay, apat na pulis din ang nasugatan sa insidente habang ang ilan sa mga sibilyang nadamay at nasugatan ay lulan ng isa pang sasakyan na dumaan sa lugar.

Naniniwala ang militar na ang nasabing pag-atake ay bahagi umano ng pagdiriwang ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng kanilang founding anniversary sa Disyembre 26.

“Nagpapatunay lamang ito na hindi sila kumikilala ng mga sibilyan. Wala silang paggalang sa karapatang pantao. Higit sa lahat wala silang pahalaga sa buhay kahit na sa mga inosenteng mga bata. Wala silang konsensya,” ayon sa kalatas ng militar.

“Sa halip na magsaya ngayong pasko ay luksa at pasakit ang dulot ng mga teroristang NPA sa mga pamilya ng mga biktima,” dagdag pa nito.

 

Related posts

Leave a Comment