2 BATA NAGUTAY SA NILARONG GRANADA

MAGUINDANAO – Nagutay ang katawan ng dalawang bata makaraang sumambulat sa kanilang bahay ang umano’y pinaglaruan nilang granada sa bayan ng Sultan Mastura sa lalawigang ito, noong Linggo.

Kinilala ng pulisya ang dalawang biktima na sina Daniel Amora, 7-anyos, at Omar Amilol, 5-anyos.

Nangyari ang pagsabog sa isang bahay habang naglalaro ang dalawang biktima sa bahagi ng Sitio Santillano sa Barangay Macaviso bandang alas-2:30 ng hapon.

Isinugod ang mga biktima sa Sanitarium Hospital sa bayan ng Sultan Kudarat ngunit idineklarang wala nang buhay.

Patuloy pang inaalam ng pulisya  ang ulat na pinaglaruan ng dalawang biktima ang natagpuan nilang granada sa hindi natukoy na lugar.

Ayon naman sa ilang kaanak, may naglagay ng hindi pa malamang uri ng pampasabog sa kanilang bahay na hinihinalang kagagawan ng kanilang kaalitan.

Patuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa nasabing pagsabog. (JESSE KABEL)

 

Related posts

Leave a Comment