2-ANYOS BATA ISINILID SA CONTAINER NA MAY TUBIG

crime600

(NI NICK ECHAVARRIA)

NATAGPUANG nakasilid sa loob ng isang container na may tubig ang bangkay ng isang 2-taong gulang na batang paslit na lalaki sa isang boarding house malapit sa kanilang bahay sa Misamis Oriental, Miyerkules ng gabi.

Nakilala ang bangkay ng paslit na si Renz Gubat, ng Barangay Casinglot, Tagolaon.

Sa ulat ni P/Corporal Jackilou Malagamba, hepe ng Women’s and Children’s Desk ng Tagolaon Municipal Police Station (MPS),maaaring sinadya ang insidente dahil may nakitang sugat sa ulo ng  biktima habang naka- lock ang takip ng pinaglagyang container nang madiskubre ang bangkay  nito sa loob.

Imposible rin na malunod ang bata sa loob ng container dahil kaunti lang ang tubig na laman nito, ayon sa pulisya.

Nadiskubre ang  bangkay ng biktima bandang alas-7:00 ng gabi nang kumuha ng tubig ang  kapitbahay na si Aries upang gamitin sana sa kanyang pagbabanyo na ikinagulat nito.

Patay na nang idating  sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima, ayon sa doctor na sumuri dito.

Naniniwala ang pulisya na may foul play sa pagkamatay ng bata dahil kung aksidente man na nahulog ito sa loob ng container dapat ay una ang ulo nito at hindi nakatihaya ang katawan sa loob ng container.

Huling nakitang buhay ang biktima na nakikipaglaro sa kanyang nakatatandang kapatid noong hapon bago natagpuan ang bangkay subalit hindi na nakasalo ng kanyang pamilya sa hapunan.

Patuloy na inaalam ng pulisya kung sino ang responsable sa nangyaring krimen.

 

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment