TRAHEDYA NG MOBILE LEGENDS

(NI JG TUMBADO)

DEDBOL ang dalawang binata na magpinsan makaraang tamaan sila ng sumasagitsit na kidlat sa bayan ng Sta. Elena sa Camarines Sur.

Kapwa wala nang buhay na natagpuan sa isang bahagi ng bukirin sa Barangay Patag Ilaya ang mga biktima na sina Jimboy Magsino Lora at Jericho Compra Lora, kapwa 18-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Base sa imbestigasyon ng Sta. Elena Municipal Police, nangyari ang insidente pasado alas 4:00 ng hapon nitong Sabado.

 Hirap umanong makasagap sa kanilang lugar ng signal ng internet para sa online game na Mobile Legends kung kaya’t nagpaalam sa kanilang kaanak na lalabas ng bahay para humanap ng signal.

Sa kanilang paghahanap ay nakasagap ng signal ang magpinsan sa mataas na bahagi ng bukid ng Barangay at doon pumuwesto sa isang puno.

Pero hindi pa man nakatatagal sa paglalaro ng online game ang magpinsan nang bigla dumilim ang kalangitan at nag-umpisang kumulog at kumidlat.

Sinasabi pa sa report na tinangkang umalis ang mga biktima sa kanilang kinauupuan dahil sa pumapatak na ang ulan hanggang magkasabay silang masapol ng kidlat.

 Nagtamo ng malaking sunog sa katawan ang magpinsan at sa kanilang katabi ay ang nagkahiwa-hiwalay na parte ng kanilang cellphone.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng pangyayari.

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment