14-ANYOS NAKITANG AGNAS NA, PINUTULAN NG DALIRI

PATAY-3

NEGROS Occidental – Natagpuang agnas na ang bangkay at putol ang mga daliri ng isang dalagita sa tubuhan makaraang magpaalam sa kanyang lolo na makiki-charge ng cellphone sa Bago City.

Sa report ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng 14-anyos na dalagita sa isang tubuhan sa Purok Francisco, Barangay Binubuhan.

Hinihinalang ginahasa ang biktima bago pinatay dahil wala na itong suot na underwear nang matagpuan.

Ayon sa pulisya, noong Enero 1 nang umalis sa kanilang bahay ang biktima para maki-charge ng cellphone ngunit hindi na nakauwi.

Halos kalahating kilometro umano ang nilakad ng biktima sa lugar para mag-charge ng cellphone.

Ayon sa lolo ng biktima, hindi niya pinayagan ang apo na umalis ngunit dahil masama ang kanyang pakiramdam ay nakatulog siya.

Nang magising siya ay nakaalis na ang biktima at hindi na nakabalik.

Ayon sa Bago PNP, nasa advance state of decomposition na ang katawan ng dalagita, wala nang suot na underwear at putol ang mga daliri sa kamay.

Isinailalim sa post mortem examination o autopsy ang bangkay para matiyak kung ginahasa ang biktima.

Ayon naman kay P/Major John Joel Batusbatusan, ang OIC ng Bago PNP, malaki ang posibilidad na ginahasa ang biktima.

Samantala, inihayag ng pulisya na may nadakip na silang “person of interest” hinggil sa nasabing kaso.(KIKO CUETO)

Related posts

Leave a Comment