1 PATAY SA MOTOR VS TRICYCLE

motoraccident12

CAVITE – Nalagutan ng hininga ang isang motorcycle rider nang makasalpukan ang isang tricycle sa Bacoor City sa lalawigang ito.

Hindi umabot nang buhay sa South East Asian Medical Center ang biktimang si Ronnie Arevalo, 32, ng #97 Molino 1, Bacoor City, habang kinilala ang driver ng tricycle na si Ernie Dorol, 44, ng Clover St., De Castro Village, Aniban 1, Bacoor City.

Sa ulat ni Corporal Christian Jovit ng Bacoor City Police Station, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Molino Road, Molino II, Bacoor City.

Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklong Rusi 125 habang binabagtas ang naturang lugar at nakatakda sanang mag-U-turn.

Minamaneho naman ng suspek ang kanyang tricycle na may plate number na 3117 VY, patungo sa direksyon ng Zapote nang mabulaga ito sa kasalubong na motorsiklo ng biktima.

Tinangka ng suspek na umiwas ngunit huli na at nagpang-abot ang dalawang sasakyan. (SIGFRED ADSUARA)

Related posts

Leave a Comment