1 PATAY, 3 TIKLO SA DRUG BUST

ARRESTED

DAVAO CITY –  Patay ang target na hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang manlaban umano sa mga awtoridad na tangkang umaresto sa kanya sa Sitio Badak, Brgy. Lanipao, sa bayan ng Lala, Lanao del Norte nitong Martes ng madaling araw.

Kinilala ang napaslang na si Abdul Javir Ramos Abubakar, 34-anyos, binata at residente sa Purok 4, Poblacion Kolambugan, Lanao del Norte.

Ayon sa ulat, dati umanong nabilanggo ang suspek ngunit nakalabas dahil sa plea bargaining agreement.

Samantala, sa Tagum City, Davao del Norte, tatlong lalaking magkakaibigan ang natimbog ng pulisya matapos maaktuhan sa pot session sa Brgy. Madaum noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Arrianne Ganza Lagare, 26; Edwin Aniabesa Hinggo, 44, at Antonio Labrador Canoy, 39-anyos.

Sa ulat ng Tagum City Police Station, nagpapatrolya ang mga awtoridad nang maispatan nila ang tatlo habang abala sa pagbatak ng ilegal na droga kaya agad nilang  inaresto.

Nakuha sa posisyon ng mga suspek ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Arestado naman ng Babak Police Station sa Island Garden City of Samal (IGACOS), Davao del Norte, ang isang menor de edad matapos maaktuhang nagbebenta umano ng marijuana sa Sitio Libudan, Barangay Miranda sa lugar.

Itinago ang suspek sa pangalang Bryan, 17-anyos, residente ng Barangay Tambo sa lugar.

Nakuha ng mga awtoridad sa posisyon ng suspek ang isang pakete ng mga dahon ng marijuana at marked money na ginamit sa buy-bust operation.

Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.  (DONDON DINOY)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment