1 PATAY, 1 SUGATAN SA SENGLOT NA DRIVER

CAVITE – Patong-patong na kaso ang kinakaharap ng isang lasing na babaeng driver makaraang mabangga ang isang pedicab na nagresulta sa pagkamatay ng pasahero nito at nahagip ang isang bystander sa bayan ng Naic sa lalawigang ito.

Namatay habang ginagamot sa San Lorenzo Hospital ang biktimang si Apolonia Llamas, 55, may live-in partner, ng Brgy. Palangue 2-3, Naic, habang inoobserbahan si Janeth Baybayin, 39, bystander, ng Brgy. Palangue 2-3 Naic, Cavite.

Kasong reckless imprudence resulting in Homicide with physical Injury and multiple damage to property ang kinakaharap ni Patricia De Lemos Collera, 30, ng Block 20, Lot 46, Pigeon St., Southcrest Village, San Agustin II, Dasmariñas City, Cavite.

Sa ulat ni P/SSgt. Rodrigo Veloso III ng Naic Municpal Police Station, dakong alas-4:15 kamakalawa ng hapon habang sakay si Llamas sa isang pedicab at binabagtas ang Naic-Indang Road patungo sa direksiyon ng Indang proper, nang banggain siya ng Toyota Vios na minamaneho ni Collera na umano’y nakainom.

Matapos mabangga si Llamas, inararo naman nito si Baybayin  na nakatayo lamang sa lugar, maging at isang nakaparadang tricycle at mga kulungan ng mga sasabunging manok.

Ngunit ayon kay Veloso, bago ang pangalawang insidente ay nasagi rin ng suspek ang isang Hyundai habang binabagtas ang Brgy. Palangue 2, Naic, Cavite bagama’t hindi nasugatan ang driver na doktor.

Gayunman, imbes na tumigil ang driver ng Toyota Vios ay pinaharurot nito ang kanyang sasakyan hanggang sa muling makabangga sa Naic-Indang Road na nagresulta sa kamatayan ni Llamas at pagkakasugat ni Baybayin. (SIGFRED ADSUARA)

 

Related posts

Leave a Comment