WITNESS SA GCTA FOR SALE DAPAT ILAGAY SA WPP!

HAGUPIT NI BATUIGAS BOMBA

SA patuloy na pagdinig sa Senado kaugnay sa kontrobersiyal na pagpapalaya sa mga heinous crime convict, unti-unting nabibigyan ng linaw ang isyu ng Good Conduct Time Allo­wance (GCTA) for sale sa Bureau of Corrections (BuCor).

Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon, ipinatawag ang isang Yolanda Camelon na asawa ng isang bilanggo na nagbigay umano ng pera kay Senior Insp. Maribel Bansil, BuCor Officer, para sa maagang paglaya ng asawang si Godfrey Gamboa. Halagang P50,000 umano ang napagkasunduan nila ni Bansil para makalaya nang maaga ang kanyang asawa sa pamamagitan ng GCTA.

Naghintay ang mag-asawang Godfrey at Yolanda sa pangako ni Bansil subalit hindi natupad kaya nagdesisyon ang mga ito na bawiin na lamang ang P50,000 subalit pinababalik-balik lamang si Camelon kaya nagsumbong na ito sa mga senador.

Isiniwalat ni Camelon sa Senado na nanghihingi umano ng pera si Bansil sa kanya para ibigay sa hepe ng documentation division ng BuCor na si Ramoncito Roque at ang u­nang P10,000 ay sa bahay pa umano ni Roque idineliber hanggang sa mabuo ang halagang P50,000.

Sa pagtatanong ng mga senador kay Roque, inamin nito na isinoli na niya ang pera kay Camelon pagkaraan ng ilang araw kung saan nagpahayag ang mga senador na bakit pinatagal pa bago isinoli ang pera kay Camelon.

Si Godfrey Gamboa ay nakatakda nang lumaya sa darating na Oktubre 14, taong kasalukuyan. Pero nabalitaan niya ang tungkol sa GCTA for sale kaya napag-usapan nilang mag-asawa na magtanong-tanong tungkol dito para makalabas siya nang maaga.

Inihayag din ng mag-asawa ang kagustuhang ibulgar sa Senado ang lahat ng kanilang nalalaman kaugnay sa GCTA for sale. Nakahanda na rin umano si Gamboa kung anoman ang mangyayari sa kanyang buhay sa sandaling bumalik ito sa bilangguan.

“Alam mo ba na wala ka namang mapapala kung magsasalita ka rito sa Senado? Pagtatanong ni Senador Lacson. Sumagot naman si Gamboa na “nakahanda na ako at maaaring mapatay ako sa loob ng bilangguan dahil sa aking pagsisiwalat sa katotohanan. Naawa ako sa aking  mga kapwa bilanggo, ang iba namamatay na lamang lalo na ang mga walang dalaw. Karamihan sa mga maagang nakalaya ay ang may mga kasong heinous crime samantalang ang mga simpleng kaso lamang ay hindi makalaya.”

Tinanong naman ni Senador Ping Lacson si DOJ Secretary Menardo Guevarra kung maaari bang habang nasa custody nila si Gamboa ay mapabilang o maisama sa computation ng kanyang paglaya at sinabi naman ni Guevarra na titingnan nila kung paano ang computation at posible rin na maisama sa Witness Protection Program (WPP) si Gamboa.

Sa ganang akin, sa sanda­ling matapos ang pagdinig ng mga senador sa GCTA for sale at kapag naibalik si Gamboa sa kulungan na hindi pa ito mapalaya ay nanganganib ang kanyang buhay dahil marami itong isiniwalat na anomalya sa loob ng BuCor kasama na rin ang kanyang asawa na si Camelon.

Kaya sana, huwag pumayag ang mga senador na maibalik sa kulungan si Gamboa dahil na-consumate na nito ang kanyang sentensiya na apat na taon kaya nga nakatakda na siyang lumaya sa darating na Oktubre. (HAGUPIT NI BATUIGAS / MARION BATUIGAS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment