WALANG KATAGANG “AUTONOMY” SA GENERAL WELFARE CLAUSE

yourservice

NAGULAT ako nung ika-1 ng Hulyo, pagpasok na pagpasok ng buwan, ay may nabasa akong paalala mula sa bagong alkalde ng Maynila na sinabihan ang Pamantasan ng Silangan (University of the East) na makiisa sila sa siyudad sa isyu ng pagsususpinde ng klase tuwing malakas ang ulan dulot ng bagyo. Nag-umpisa ang isyu nang magpalabas ng direktiba ang lungsod ng Maynila na suspendido ang klase sa lahat ng antas nito, pampubliko man o pribadong paaralan. Ngunit ang UE ay nagsuspinde lamang mula kinder hanggang Grade 12 pagkatapos ng isang oras, inilabas ang direktiba ng Maynila. Ayon sa ating bagong alkalde, marami siyang natanggap na reklamo ukol dito. Aniya — marami na raw syang natanggap na reklamo laban sa UE, makisama naman sana sila sa lungsod. Ngunit eto ang medyo malaman niyang sinabi — kung ayaw ng UE na makinig sa lungsod, e di umalis na lang sa Maynila. Sinundan pa ng alkalde na pinaiiral lamang niya ang kaligtasan ng mga mag-aaral dahil nga nag-aalala na rin ang magulang ng mga ito.

Sa mga mag-aaral ng UE, at maging sa mga kalapit na mga paaralan — alam na nila na pag umulan nang malakas, ang kasunod nito’y pagbaha at dahil sa baha, nawawala o nahihirapan makakuha ng pampublikong transportasyon. Malimit na nangyayari ay stranded ang mga mag-aaral, maging ang mga nagtatrabaho sa Maynila dahil na nga sa baha.

Ano nga ba ang autonomous status na sinasabi ng mga pamantasan? Dahil ba dito’y maaari na nilang balewalain ang mga direktiba ng lungsod o maging ang pamahalaang nasyunal sa isyu ng pagsususpinde ng klase?

Ayon sa aking munting pagsasaliksik — ang isang pamantasan na binigyan ng “autonomous status” ay maaring magdesisyon at maglatag ng mga sariling pamantayan, misyon at mga layunin — tulad ng mga kwalipikasyon ng mga magtuturo dito, mga aklat na gagamitin, oras ng pagtuturo at mga pamamaraan kung paano maaabot ng pamantasan ang mga adhikain at layunin nito.

Ngunit ang karapatang binigay na ito ay hindi lubos — sapagkat kinakailangang ding sumunod ang pamantasan sa mga batas na umiiral dito tulad ng Local Government Code kung saan matatagpuan ang tinatawag nating “General Welfare Clause” kung saan pinahihintulutan ang lokal na pamahalaan — tulad ng lungsod ng Maynila, sa pamamagitan ng tinatawag nating “police power” na magbigay ng mga alituntunin o mga direktiba para sa seguridad at kapakanan ng nakararami.

Mainam na balikan natin ang sinabi ng ating Kataas-taasang Hukuman sa isang nakaraang kaso — Lupangco vs. Court of Appeals, 160 SCRA 848, April 29, 1988 — kung saan naobserbahan nito na datapuwat may pinataw sa isang pamantasan na karapatang magpasya tungkol sa misyon, layunin at pamamaraan ng pagturo, at ligtas mula sa pakikialam mula sa labas — ito’y nangangailangan at maaaring pigilan sa ngalan ng kapakanan ng nakararami.

Sa aking munting palagay — hindi naman magkasalungat ang tinatawag nating “autonomous status” ng isang pamantasan at ang paggamit ng lokal na pamahalaan ng kanilang “police power” batay sa “General Welfare Clause.” Atin lamang tandaan na iisa ang layunin ng mga ito — ang kapakanan ng ating mga mag-aaral, sa anomang antas. Kaya’t maaaring gamitin ang awtonomiya ng isang pamantasan alinsunod sa direktiba ng lokal na pamahalaan. Oo, may awtonomiya ang pamantasan, ngunit kung kinakailangan, ay marapat na sumunod ito sa lokal na pamahalaan. At pagkatapos ng bagyo o anomang insidente, ang pamantasan ay may karapatang mag-isip o maglatag ng plano upang mabawi ang mga araw na nasuspinde. Iisa lang ang dapat nating isipin — kapakanan ng ating mga mag-aaral. (@YOURSERVICE /  ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment