WALA SA HULOG

NIPIS

ILANG araw na­ging problema ang pagkahaba-habang pila ng mga sasakyan sa kahabaan ng Efipanio Delos Santos Avenue (EDSA) kaya’t mara­ming motorista at commuter ang inis na inis sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil inakala nila na walang ginagawa ang mga ito.

Habang si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso naman ay walang tigil sa pag-aksyon upang maisaayos ang daloy ng trapiko sa kanyang nasasakupan kaya nga nawala ang mga nagtitinda sa lansangan dahilan upang tuloy-tuloy lang ang pasada ng mga pampasaherong sasakyan at daloy ng mga pribadong sasakyan.

Kaya naman, upang maipakitang hindi inutil ang ibang opisyales ng ibang lungsod ay nag-utos ang ang Department of Interior and Local Government (DILG) na kumilos sa kanilang nasasakupan upang hindi sila magmukhang walang ginagawa upang isaayos ang kanilang pamayanan.

Pero parang overacting (OA) naman ang ginawang aksyon sa Caloocan (North) kung saan ang ilang subdivision ay pinakialaman ng ilang pinagkakatiwalaan ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.

Isa ang Sunriser Village sa Barangay Llano na apektado sa pagmamaga­ling ng ilang opisyales ni Mayor Malapitan dahil minamadali nila ang road widening sa nasabing subdibisyon na kung tutuusin naman ay hindi dinaraanan ng mga sasak­yan maliban na lang sa mga nakatira sa lugar.

Susunod naman ang mga residente kung makikitang totohanan at walang pinipili ang nagpapatupad. Lamang, palaisipan sa kanila kung bakit inuna ang subdibisyon, gayung sa labas pa lang ng Llano Road ay marami na ang dapat gibaing pader dahil lumampas sa talagang sakop ng kanilang pag-aari.

Ayon sa isang opis­yal na nakausap ng NIPIS, sumusunod lang sila sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na paluwagin ang mga daanan. Plano umano ng pamahalaang lungsod ng Caloocan na gawing daanang pampubliko ang Sunriser Subdivison kaya’t pinapaluwagan ang kalye.

Teka muna, naisip ba nila na posibleng ang pagbubukas ng subdivision bilang alternate route sa mga sasakyan ay magpapataas ng “crime against property” sa lugar.

Kapag bukas sa lahat ng daraan ang subdibisyon, magiging target na ito ng mga magnanakaw. Nalagay na sa balag ng alanganin ang ari-arian ng mga tao, posibleng pati ang kanilang buhay ay malagay din sa peligro.

Mayor Oca Malapitan, paluwagin muna ang mga pangunahing daanan sa iyong nasasakupan, bago naman ang mga subdibisyon na posibleng maging target naman ng mga kawatan kapag nabuksan.

Isa pa, huwag na gamitin si Presidente Duterte sa mga maling diskarte. May gustong kumitang contractor na hawak ng isa sa mga alaga ni Mayor kaya gustong unahin ang subdibisyon. (NIPIS / LEA BOTONES)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment