WALA PANG NAKUKULONG NA MGA KORAP SA DOH AT PHILHEALTH

BAKBAKAN NATIN

TAUN-TAON nababalita sa media ang talamak na katiwalian at korapsyon sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

At bilyun-bilyong halaga ang perang nasayang sa katiwalian at korapsyon na napunta sa mga korap na opisyal sa DOH at PhilHealth.

Ngunit, pagkatapos maging mainit na paksa sa media ay wala nang nabalitang kinasuhan at nakulong na mga korap sa DOH at PhilHealth.

Noong iniimbestigahan sa Senado ang iba’t ibang uri ng katiwalian at korapsyon sa DOH at PhilHealth ay kitang-kita at malinaw na malinaw na malaganap ang katiwalian at korapsyon.

Isa riyan ang pagbili ng mga gamot na ipinamamahagi sa bawat barangay, ngunit natatambak lang taun-taon sa mga bodega ng DOH.

Ang pananatili ng mga gamot sa mga bodega taun-taon na pumapalo hanggang P18 bilyon  ang halaga sa loob ng isang taon ay siguradong mayroong mga opisyal ng DOH ang kumikita.

Kumikita sila sa komisyong nakukuha mula sa bilyun-bilyong halaga ng mga gamot na binili mula sa mga malalaking kumpanyang nagmamanupaktura ng mga gamot.

Ilang mga opisyal naman sa PhilHealth ay kumikita sa mga babayaran nitong claims sa mga ospital o pasyente.

Kumikita rin ang korap sa PhilHealth sa inilulunsad nilang mga proyekto.

Hindi birong halaga ang bilyun-bilyong perang hawak ng DOH at PhilHealth na nakalaan sa mga nagkakasakit at naoospital na Filipino.

Lahat ng mahihirap na mga Filipino ay walang hiwalay na badyet para sa gamot at pagpapaospital, sapagkat napakaliit lamang ng kanilang kinikita araw-araw.

Kaya, kawawa ang mahihirap na Filipino kapag nagkasakit pa sila, sapagkat magagamit nila ang kakarampot nilang kita para sa gamot at sa mas masahol ay sa ospital kapag naospital sila.

Alam naman natin na hindi libre ang pagpapaospital sa mga pampublikong pagamutan.

May bayad na P400 kada araw sa kuwartong ginagamit ng pasyente, may bayad ang gamot, may bayad din ang doktor at iba pa.

Kaya, magastos pa rin.

Malaking bagay ang pondong galing sa DOH at PhilHealth bilang suportang pinansiyal sa kanilang pagkakaospital.

Maliit lang ang suportang pinansiyal na ito kung ikukumpara sa laki ng babayaran sa ospital, ngunit malaking bagay na sa mahihirap upang ipam­bawas sa babayaran sa ospital.

Kaya, nakadidismaya kung walang nakukulong na mga korap na opisyal at kawani sa DOH at PhilHealth habang patuloy na nagaganap ang walang tigil na katiwalian at korapsyon sa dalawang ahensya.

Pagkatapos, biglang maglulunsad na naman ng imbestigasyon ang Senado upang malaman kung bakit nagkaroon uli ng korapsyon sa DOH at PhilHealth.

Isa-isa namang tatanungin at kokomprontahin ng mga senador ang mga opisyal ng DOH at PhilHealth upang malaman ang kanilang pahayag sa ‘panibagong’ katiwalian at korapsyon sa dalawang ahensiya.

Pagkatapos nito, wala namang kakasuhan sa mga korap na opisyal sa DOH at PhilHealth.

Kaya, walang nakukulong sa kanila.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment