WALA NAMANG PANUKALANG BATAS LABAN SA ‘NINJA COPS’

BAKBAKAN NATIN

NATUMBOK ng Senate Blue Ribbon Committee na mayroong “ninja cops” sa Philippine National Police (PNP) noong 2013.

Labing tatlo silang lahat na pinamunuan ni Major Rodney Baloyo IV ang pagpasok sa bahay ng drug lord na si Johnson Lee sa isang subdibisyon sa Mexi­co, Pampanga kung saan 200 kilo ng shabu (me­thamphetamine hydrochloride) ang nasamsam noong Nobyembre 2013.

Sa 200, tinatayang 38 kilo lamang ang idineklara ng pangkat ni Baloyo.

Ang mahigit 160 kilo ng shabu o “bato” ay mahigit P680 milyon ang halaga.

Nakaladkad ang pa­nga­lan ni General Oscar Albayalde sa operasyong “agaw-bato,” sapagkat siya ang provincial director ng PNP sa Pampanga nang maganap ang operasyon ng pangkat ni Baloyo.

Nadiskubre sa imbestigasyon ng Senado na hindi tinanggal sa PNP ang 13 ninja cops.

Inilipat lang sila sa iba’t yunit sa Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Naging direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Albayalde nang dahil kay dating PNP Chief General Ronald dela Rosa.

Habang hepe ng NCRPO, lumabas din sa imbestigasyon ng Senado na tinawagan at kinumusta ni Albayalde ang direktor ng Central Luzon na si Brig. Gen. Aaron Aquino tungkol sa “dismissal order” ng 13 ninja cops na pawang bataan ni Albayalde.

Ayon sa Senate Blue Ribbon Committee, matibay, malakas at sapat ang ebidensiya laban kay Albayalde.

Kaya, dapat lamang na kasuhan ito.

Ilang kasong kriminal ang isinampa laban kay Albayalde sa Department of Justice  (DOJ) batay sa mga naglabasang ebidensiya sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ang imbestigasyon ng Senado o kahit ng Kamara de Representantes ay “in aid of legislation.”

Alam na alam ‘yan nina Senador Richard Gordon, Panfilo Lacson, Vicente Sotto III at Franklin Drilon.

Ngunit, bakit walang napabalita sa media na may inihaing panukalang batas sinoman sa miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee, lalo na si Gordon na chairman nito, upang mawala na ang ninja cops sa PNP?

Kailangang maghain ng panukalang batas sinoman sa mga senador, sapagkat ang Senado ay tagapagbalangkas ng mga batas.

Hindi ito hukuman na isinasalang sa isang pag­lilitis ang mga opisyal ng pamahalaan, opisyal ng pribadong kumpanya o sinoman, tapos huhusgahang nakagawa ng krimen tulad ng ginawa kay Albayalde.

Ang imbestigasyon ng kahit anong komite ng Senado ay tulong sa pagbalangkas ng panukalang batas.

Kaya, dapat lang maghain ng panukalang batas ang sinomang kasapi ng Blue Ribbon Committee hinggil sa ninja cops.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod. Kaya, tawag o magtext na sa: 0998 – 565 – 0271. (BAKBAKAN NATIN / NELSON BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment