VP LENI “THE ONE” NGA BA SA PAGRESOLBA NG WAR ON DRUGS?

KAAA BOOM

USAP-USAPAN ngayon ang pagtalaga ni Pangu­long Duterte kay VP Leni Robredo bilang Co-chair ng Anti-illegal drugs commitee noong nakaraang linggo. At lalo pang umingay nang tanggapin nito ang posisyon bilang Co-Chairperson. Tinalo nga ng balita ang ilang linggong away serye ng Barretto sisters at iba pang naglalaking balita.

At dahil din sa pagkakatalaga ni Madam VP Leni umani rin ito ng iba’t ibang reaksyon sa madlang pipol. Mayroong nagsabing hindi niya kaya, mayroon ding nagsasabi na patibong lang ito, gagamitin lamang siya ng administrasyon, may pumupuri at mayroon din namang naduduwal dahil sa  pagtanggap nito ng posisyon. Pati nga mga pulitiko ay nagulantang din at nagbigay ng kani-kanilang  sariling opinyon.

Pero ang tanong ay… Is she “The One” na nga kaya na makapagpapatigil sa mala-kanser na droga na patuloy na sumisira sa ating mga kababayan??? Ako po ay nagtatanong lang.

Kasi nga naman, mula noong iniutos ng Pangu­long Duterte ang War on Drugs ay hindi na rin tumigil si Madam VP sa pagbibigay ng kumento hanggang dumating sa punto na mabanggit nito ang salitang “TWEAK”… Hehehe kaya napikon ang Lolo Digong natin at naglabas ng kautusang gawin siyang Co-Chairperson ng anti-illegal drugs committee na noong una ay inakalang joke lang pero sa kalaunan eh ser­yoso pala ang aking Lolo Digong.

Sa totoo lang po mga kabayan, bilang isang tv & radio reporter noon at maralitang radio anchor ngayon ang inyong lingkod, hindi po ganoon kadali ang pagsugpo sa ilegal na droga bakit ka niyo??? Dahil nga napasok na nito ang pulitika, law enforcement unit at mismong mga matataas na opisyal ng bansa ay nabulag na rin ng laki ng kwartang naibibigay sa kanila maprotektahan lamang ng mga sindikato ang kanilang negosyong drugs. Sabi nga ng Lolo Digong natin, hindi niya akalain na ganoon na kalala ang problema natin sa droga na dahilan ng kaliwa’t kanang krimen sa iba’t ibang dako ng bansa. At kung ito ay hahayaan lamang eh posibleng maging narco country ang bansang Pilipinas. Ang tanong ay… Papayag po ba tayo?

Aminado naman ho ang Pangulong Duterte na nagkamali ito sa binitawan niyang salita noon na mapatitigil niya ang lumalalang problema sa droga within 3 to 6 months. Ganoon pa man ay ipinagpatuloy pa rin ito sa pamamagitan ng tokhang at nakita naman po natin ang resulta. Sabi nga, marami talaga ang madadamay na inosente sa labang ito kung hindi tayo mag-iingat.

Pero, balikan po natin ang tungkol kay Madam VP Robredo kung kaya kaya niya talaga? Bakit ko po muling natanong ito… Dahil kahit mga kaalyado nito tulad ni Cong. Erice na ­ating nakapanayam, ay naniniwalang kulang sa experience si Madam VP. Kung ganoon pala eh bakit ngawa siya nang ngawa laban sa administra­syon tungkol sa usaping droga? Nagpapapansin lang kaya siya? O baka naman may pinuprotektahan siya kaya ayaw tumigil sa kasasawsaw sa isyu ng war on drugs? Eh, nagtatanong lang naman…

Sandali po lamang ho no, pare-pareho lamang po tayong pro-life sa usaping drug war pero hindi po natin maiiwasang may magbuwis ng buhay sa mga alagad ng batas o sa mga pusher, user at drug lords kapag nagsagawa ng operasyon.

Sana nga lang eh walang katotohanan ang mga kumakalat na balita na bawal ang magdala ng armas ang nga pulis kapag may operasyon laban sa ilegal na droga hehehe… Kasi kung ganoon, ano kaya ang dadalhin nila? Lugaw pang amusal? Hi hi hi… batuta? O ang manicure at pedicure? Wahahaha o pang make-up… Nagtatanong lang naman po eh hehehehe…

Wish lang ho natin na sana sa pagtanggap ni VP Leni ng posisyon bilang Co-chair ng anti-illegal drugs committee eh siya ang maging daan upang magkaisa tayong mga Filipino at  mawala na ang kulay sa pulitika na dahilan ng pagkakawatak-watak nating lahat at maging iisang kulay ang ating bansa at ito ay kulay dugong bughaw.

At sana rin madali na siyang ma-interview at hindi naghahanap ng resume at profile ng mga reporter… hehehe kaaa… boom!!! (KAAA…BOOM!!! / JOEL GOROSPE)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment