VENDORS SA QUEZON CITY NAGBABALIKAN NA NAMAN

BOMBAHAN NA FINAL

MISTULANG tiyangge na naman ang ibabaw ng flyover sa panulukan ng EDSA at Aurora Blvd. sa Cubao, Quezon City.

Bakit kamo? Nagbalikan na naman ang vendors sa area.

Ayon sa silipero ng BOMBAHAN NA, punong-puno na naman ng panindang mga damit at mga sapatos ang kuwadradong hugis ng flyover.

Hindi kaya napapansin ng Local Government Unit ng Quezon City ang mga vendor na ito?

Sa susunod na mga araw, lalo na ngayong buwan ng Disyembre, ay gagayahin na sila ng iba pang vendors.

Maganda na sana dahil kahit papaano lumuwag ang Metro Manila nang ipag-utos sa lahat ng LGUs ni Pangulong Duterte na linisin ang lahat ng sagabal sa kalye kasama na ang vendors.

Kaya lang, tulad ng sinasabi ng silipero ng BOMBAHAN NA, ningas-kugon lang ang ibang LGU.

Naalala ko tuloy ang sinabi ni Department Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Ricojudge Echiverri na hindi nakikipagtulungan ang mayors at governors sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.

Tama si Usec. Echiverri dahil kung nakiisa ang LGUs sa kampanya ay hindi sana nahihirapan si Pangulong Duterte sa ‘war on drugs’.

Ganun din sa vendors, kung talagang hihigpitan nila ito ay hindi babalik ang mga iyan sa dati.

Ganun din naman, hindi mga dekalidad ang itinitinda sa kalye na mga damit, sapatos at gamit dahil mga peke ang mga ito.

Pawang mga ginaya lang sa mga kilalang brand.

Marami nang kumitang LGUs sa illegal drugs at vendors noong mga nakaraang administrasyon kaya sana tigilan na nila ang mga iyan.

Natatandaan ng BOMBAHAN NA, maraming LGUs sa Metro Manila na pagdating ng ‘ber months’ ay pinapayagan nilang gamitin ng vendors ang kani-kanilang mga bangketa at kalye.

Ang tanong tuloy ng mga silipero ng BOMBAHAN NA, saan napupunta ang mga ibinabayad ng bawat vendors? Na ang tawag nila ay ‘butaw’.

Naniniwala po ang BOMBAHAN NA kay Yorme Isko na inalok siya ng P5 milyon araw-araw, ‘wag lang paalisin ang mga vendor sa bangketa at kalye.

Naging palabigasan na nila ang mga vendor sa mahabang panahon.

Kaya ngayon, hindi na oobra yan kay Pangulong Duterte ‘yan.

Kaya sa LGUs na nagbulagbulagan, antayin n’yo na mapansin kayo ni Pangulong Duterte dahil hindi kayo sasantuhin.

Maging mapagmasid kayo  sa inyong mga paligid baka kayo’y napaiikot ng inyong mga tao.

Ang ire-report sa inyo ay puro maganda pero ang totoo kumikita na sila sa labas.

Ganun din po sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), alam po natin na napapansin nila na nagbalikan na naman ang vendors sa flyover sa panulukan ng EDSA at Aurora Blvd.

‘Wag po kayo magbulag-bulagan, ‘pag bawal, bawal, ipatupad n’yo po nang tama ang batas.

oOo

Pasabugin ang katiwalian, isumbong sa BOMBAHAN NA, mag-e-mail joel2amongo@yahoo.com/operarioj45@gmail.com (BOMBAHAN NA / Joel Amongo)

Related posts

Leave a Comment