VELASCO KINONTRA SI PDU30 SA TERM-SHARING SA SPEAKERSHIP

BAKBAKAN NATIN

GUSTO na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na matapos ang bangayan ng kanyang mga kaalyadong kongresista hinggil sa pamumuno sa Kamara del Representantes.

Ayon sa mga impormasyong nakarating sa akin, idiniin at ipinag-utos mismo ni Duterte na ipatupad ang tinatawag na “15 – 21 term -sharing” sa pagka-speaker ng Kamara.

Binanggit ito ng pa­ngulo sa pulong ng gabinete nitong Hulyo 1 (Lunes) ng gabi.

Ang ibig sabihin ng 15 – 21 ay maghahati ng termino ng panunungkulan sina Taguig City – Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Sa kasunduang ito, unang speaker si Cayetano na tatagal lamang ng 15 buwan, samantalang si Velasco ay uupo sa susunod na 21 buwan.

Kitang-kita namang lamang na lamang si Velasco ng anim na buwan kaysa kay Cayetano.

Kaso, napakatigas ng ulo ni Velasco.

Nabatid natin sa mga kaibigan ko sa Kamara na kinontra na naman ni Velasco si Duterte.

Pinanindigan ni Velasco na wala umanong hatian ng termino na sinasabi si Duterte.

Nakapagtataka naman, sapagkat ilang beses na ring napapaloob sa mga panayam kay Duterte ng media na binabanggit ng pangulo ang term-sharing.

Kaya, nangangahulugang patuloy na binabalewala at kinokontra ni Velaso si Duterte.

Ayon sa source, inutusan ni Duterte ang tatlong miyembro ng kanyang gabinete upang iparating sa mga kongresista ang pagpapatupad ng 15-21 term sharing upang matapos na ang isyu sa pilian ng speaker para masimulan na ng Kamara ang paglatag sa legislative agenda ng administrasyong Duterte.

Ayon pa rin sa source, binigyan din ng pangulo ng ultimatum si Velasco sa pagpapatupad sa term-sharing, sapagkat nainis na raw ang pangulo sa patuloy na paggigiit ni Velasco na walang usapang hatian ng termino, samantalang ilang ulit nang binabanggit ito ni Duterte sa kanyang mga pahayag.

Sa kabila nito, nananatiling matigas ang ulo ni Velasco dahil patuloy nitong binabastos at binabalewala si Duterte.

Iwinawasiwas ni Velasco sa media na makiki­pagkonsultasyon pa raw siya kina Davao City Mayor Sara Duterte at Cong. Paulo “Pulong” Duterte.

Wala sa hulog ang pahayag na ito ni Velasco, sapagkat mistulang iniwan na siya sa kangkungan ng magkapatid na Duterte dahil maging si Pulong ay nagbabalak na ring sumawsaw sa labanan sa pagka-speaker at ang Hugpong ng Pagbabago naman ni Inday Sara ay inendorso na si Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab.

At tila may nakumbinsi pa si Velasco na suwayin at balewalain na rin ang pangulo.

Ito ay si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na nagsabing payag na ang kanyang partido na makipaghati ng termino, ngunit si Velasco ang gusto nilang maunang speaker.

Saksakan naman ng tigas ng ulo nitong si Velasco, samantalang wala naman akong nababalitaang nagawang kagila-gilalas ito sa Kamara del Representantes.

SUBSCRIBERS ­PANALO SA ­MOBILE NUMBER ­PORTABILITY

MAPAKIKINABANGAN na ng lahat ng Filipino mobile network subscribers ang tinatawag na “mobile number por­tability” matapos na magawa agad ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas ukol dito.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11202 o ang “Mobile Number Portability Act” na naging batas makaraang pirmahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero, tinitiyak na panghabambuhay na ang mobile phone number ng isang subscriber kahit magpalit pa siya ng network o mag-postpaid mula prepaid o vice versa at wala itong bayad.

Katuwang ang NTC, si Eliseo M. Rio Jr. na Department of Information and Communications Technology (DICT) acting secretary bago italaga si dating Senador Gregorio “Gringo” Honasan bilang bagong kalihim ng departamento noong Lunes ay siyang nanguna sa pagsulong ng RA 11202 sa Kamara del Representantes at Senado hanggang sa paggawa ng IRR.

Ayon kay Rio, mas isasaa­lang-alang na ngayon ng mga tele­communication company (telco) ang pagbibigay ng mga toto­ong serbisyo sa mga konsyumer.

“Game changer,” sabi pa niya.

Kung hindi maganda ang nakukuhang serbisyo ng isang subscriber, makapipili na siya ngayon ng ibang telco na tunay na pagseserbisyuhan siya.

Dahil dito, mas sisigla ang kompetisyon ng mga telco at siguradong makikinabang tayong mga Pilipino.

Bukod sa pangmatagalan na ang kani-kanilang mobile phone number, wala na ring extra charge kung tatawag o magte-text ang mga subscriber sa ibang network.

Noong nakaraang taon, nasa 74.1 milyon ang subscriber base ng Globe habang nasa 60.5 mil­yon naman ang tumatangkilik sa Smart, Sun, at TNT na nabibilang sa PLDT Group.

Dahil talaga namang “good job” para sa sambayanang Pilipino, pinapurihan ni Senator Sherwin Gatchalian si Rio at ang NTC sa kanilang inilabas na IRR.

“In keeping with this spirit, I believe that the NTC was able to draft a consumer-friendly implementing rules and regulations, especially in specifying the prerequisites for porting, and the terms of the time periods for cutover and the porting process itself, among others,’’ ani Senador Gatchalian na chairman ng Se­nate Committee on Economic Affairs na tumutok sa deliberasyon at konsultasyon nang dinirinig pa lamang ang “Mobile Number Portability Bill.” (BAKBAKAN NATIN /Nelson Badilla)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment