USAPING CREDIT CARD

yourservice

NABULABOG na ba kayo ng isang sulat o isang tawag na tinatakot kayong makulong dahil sa hindi pagbabayad ng utang sa credit card? Nakatanggap na ba kayo ng mahabang sulat kung saan ikinukwento kung paano kayo kakasuhan sa korte at binibigyan pa kayo ng sampol na reklamo?

Kung oo ang inyong sagot — isa kayo sa ma­rami nating kababayang may parehong problema. Ang problema, hindi lamang kung paano babayaran ang inyong utang sa banko dahil sa paggamit ninyo ng credit card — kundi paano nyo hahara­pin ang makukulit at nananakot na mga kolektor ng mga banko.

Nag-uumpisa ang problema sa credit card bilang isang inosenteng pag-alok ng mga naglalako nito. Kadalasan, pumupunta sila sa inyong opisina o di kaya’y nag-aalok ng credit card sa loob ng mall. Sasabihin na “waived” na ang membership fee at sandali lang ang pag-approve nito. Dahil sa kaaya-ayang mga pangako ng mga nag-aa­lok ng credit card, susubukan ninyong kumuha at pagkalipas ng ilang araw — matatanggap n’yo na ang card.

Masaya ang may credit card — dahil napahahaba n’ya ang inyong kakayahang bumili ng mga kagamitan o di kaya naman ay kumain sa mga kainang mamahalin. At dahil hinahayaan kayo ng banko na bayaran lamang ang “minimum amount”, hindi n’yo napapansin na unti-unti nang lumalaki ang inyong utang hanggang umabot sa panahong nagamit n’yo na ang “credit limit” at kinakailangan nang bayaran n’yo ang balanse upang magamit ulit ang credit card. Dito na nag-uumpisa ang problema — dahil kadalasan ay kinakapos tayo sa pera, hindi na natin nakakayanang bayaran buwan-buwan ang ating utang sa credit card. Dumarating ang panahon na lumalaktaw na tayo ng mga buwan na hindi na natin nababayaran. Pagkatapos nito, darating na ang mga “demand letter” at mga tawag sa telepono, text at email ng banko — naniningil ng utang. Yung iba, makikiusap, yung iba naman magtatago. Dito na mararanasan ang mga bastos na kolektor sa telepono o sa text — minsan bastos, kadalasan naman ay nananakot.

Sa aking munting pa­lagay — may mga alituntunin ang ating Bangko Sentral tungkol sa pagkolekta ng utang sa credit card. Unang-una, hindi dapat nanggugulo ito lalo na sa lugar ng iyong trabaho. Panga­lawa, hindi dapat ito nananakot at hindi nagbibigay ng ma­ling impormasyon tungkol sa balanse. Kadalasan kasi, puro pananakot at panggugulo ang ginagawa ng ibang kolektor — hindi naman lahat — ngunit madalas ito ang nangyayari upang sila ay makakolekta dahil kumikita ang mga kolektor na ito sa komisyon base sa nakokolekta nilang utang. Ang aking munting payo — maki­pag-usap mismo sa banko tungkol sa pamamaraan ng inyong pagbabayad — tandaan, ito’y utang n’yo naman talaga dahil sa paggamit n’yo ng credit card. Makiusap na baka maaaring ayusin ang istraktura ng inyong pagbabayad na nakabubuti sa inyo at sa banko.

Pero sa aking munting palagay, mas magandang maiwasan ang problemang ito kung magkakaroon tayo ng disiplina sa pagkuha at paggamit ng credit card. Sabi nga nila, isang malaking responsibilidad ang pagmamay-ari ng credit card. Hindi dapat ito ginagamit ng basta-basta at para lamang sa luho. Laging tandaan, ang pangunahing gamit ng isang credit card ay tulungan kayo sa mga gastusing biglaan at iwasang maging pabaya rito. (@YOURSERVICE / ATTY. DAVID AQUINO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment