TULUNGANG MAGNEGOSYO ANG MGA OBRERO

TINIG NG MANGGAGAWA final

MAGANDANG balita itong naisipan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang mga manggagawa sa informal sector na magbenta ng kanilang produkto online o online marke¬ting.

Oportunidad ito sa mga manggagawa na may kakayahang mamuhunan para umangat ang kanilang pamumuhay. Kapag sinuwerte nga naman ay maaari silang umasenso kaya mula sa pagiging manggagawa ay pwede silang maging negosyante.

Mula nang mauso ang online selling ay dumami na rin ang sumubok nito. Napakadali nang magbenta ngayon sa tulong ng internet.

Maaari kang magsimula sa iyong mga Facebook friend na aalukin mo ng iyong paninda. Kadalasan, mga misis na gustong tumulong sa kanilang mister sa pagtataguyod ng pamilya ang sumusubok nito.

Karaniwan na RTW o ready-to-wear na mga damit ang produkto pero mas marami ang ‘pampa’- pampaganda, pampapayat, pampatangkad at kung ano-ano pa.

Tamang-tama ang naisipan na ito ng mga opisyal sa Labor department dahil kasabay ng pagdami ng mga nagbebenta sa online ang pagdami rin ng mga do¬robo.

Iyon bang nag-aalok ng produkto tapos kapag nakapagpadala na ng pera ang kostumer ay maghihintay ito sa wala. Lilipas ang mga araw at linggo na walang matatanggap na order ang kostumer at kapag muling kinontak ang online seller ay maglalaho na itong parang bula.

Luhaan ang kostumer dahil gustuhin man niyang magreklamo ay hindi nila alam kung sino ang irereklamo at kung saan ito matatagpuan.

Kapag katuwang na ang DOLE ay makasisi¬guro na ang mga kostumer na lehitimo ang kanilang binibilhan ng produkto.

Ang libreng online market platform ay tinawag na DOLE Livelihood Beneficiaries Pro¬ducts Showcase (DLBPS), na binuo at pinamamahalaan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC).

Naglalayon itong mapahusay ang kakayahan sa pagbebenta ng mga benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

Tutulungan din nitong mapabuti ang mga produkto at serbisyo ng maliliit na mamumuhunan, kasama ang isang pagsusuri ng produkto na nasa online platform kung saan ang mga mamimili o mga nami¬mili ay maaa¬ring magbigay ng feedback o i-rate ang mga produktong mina-market.

Target na matulungan ng DOLE ang mga nasa informal sector tulad ng mga construction worker, kasambahay at maging ang mga tricycle driver.

oOo

TINIG NI JUAN: Matapos ang eleksyon, may mga nabasa akong post sa social media ng ilang botante. Naghihimutok. Yun iba galit talaga. Tatandaan daw nila ang kandidatong si ganoon at si ganito. Hinding-hindi na nila muling iboboto.

Na-curious ako kaya ilan sa mga post na ganito ang binasa ko.

Ang ipinagngingitngit pala nila ay ang pangakong pakinabang ng ilang kandidato nitong midterm election.

Yung isang nagrereklamo ay pinangakuan daw ng groceries ng isang partylist kaya naman wala na siyang anomang pagsusuri o pagtatanong tungkol sa partylist. Minarkahan niya ito sa kanyang balota. Matapos ang botohan, binalikan nya ang lider na nangako ng groceries pero dedma na raw ito.

Nagoyo siya. At para siguro makaganti ay ikinuwento niya ang karanasan sa Facebook.

Mayroon pang ibang nabiktima ng ‘vote now, pay later’ na yan.

Gaya ng inaasahan, marami sa kanila ang luhaan.

Kung bakit naman kasi kailangan ninyong ibenta ang inyong boto.

Kailan ba natin ituturing na sagrado ang ating boto?

oOo

Ang kolum na ito ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga manggagawa. Ipadala ang inyong mga karaingan, sumbong, reklamo o maging solusyon sa mga problema sa inyong kapaligiran.  Iliham lang sa Diaryo Bomba o kaya ay i-email sa dongbvaleza@gmail.com  (TINIG NG MANGGAGAWA / DONG VALEZA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment