TULFO BROTHERS NGAYON, BUKAS SINO?

ITO ANG TOTOO

HINDI natin kinakampihan si Erwin Tulfo at mga kapatid nito.

Ito ang Totoo: mali talaga ang ginawa ni Erwin Tulfo kay Social Welfare Sec. Rolando Bautista, at humingi na siya ng kapatawaran.

May karapatang tumanggi si Bautista na magpa-interview na ikinagalit ni Tulfo, pero hindi natin dapat balewalain na lehitimo ang isyu na nais ipasagot ni Tulfo sa retiradong heneral na naging sekretaryo.

Bakit nga ba hindi napunta sa mga taga-Marawi ang mga donas­yon at pondong sadyang para sa kanila?

Ito Ang Totoo: dahil sa pagkakamali ni Tulfo ng reaksiyon sa pag-iwas ni Bautista na magpaliwanag sa taumbayan, natatabunan na ang isyu.

At hindi lamang natabunan ang isyu, ang hindi maitutok na “killer instinct” ng mga heneral sa mangangamkam na bansang Tsina, sa magkakapatid na Tulfo ibinubuhos.

Damay na ang mga kapatid ni Erwin, na persona-non-grata na rin sa Philippine Military Academy (PMA) sa bisa ng deklarasyon ng alumni association.

Ito Ang Totoo: ma­raming nasagasaan ang magkakapatid na Tulfo, at maging sa hanay ng mamamahayag ay may hindi sila kasundo.

Pero ang over-reaction ng AFP at PNP ay hindi dapat binabalewala dahil ito’y masamang indikasyon ng labis at ma­lisyosong paggamit ng kapangyarihan, power trip baga.

Bagama’t hindi natin kinukunsinte ang pagkakamali ni Erwin Tulfo, hindi dapat nagbubulag-bulagan sa dinaranas na kalabisan laban sa kanya at mga kapatid niya. Tulfo brothers ngayon, bukas sino?

Ito Ang Totoo: kung may tampo o galit man sa mga Tulfo, lalo na ang mga kabaro sa media, hindi ito dapat maging dahilan para kunsintihin ang mga kalabisang ginagawa sa kanila sa kasalukuyan.

Hindi na lamang ito usapin ng magkakapatid na Tulfo, direksiyon, tu­nguhin at paniniwala na ng AFP at PNP sa tama at mali ang nakasalalay.

Wala sa lugar ang mga kondisyones ni Bautista para patawarin niya si Tulfo, at pagpapa­mukha ng kapangyarihan ang ginagawa ng mga kabaro niya, mga bagay na dapat ikinahihiya pero hindi sila nahihiya, indikasyon na may tama na ang kanilang pananaw at paniniwala. Ito Ang Totoo!  (ITO ANG TOTOO / VIC VIZCOCHO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment