TRAFFIC POLICY NG MMDA PABOR SA MGA NAKA-KOTSE, SUV’S AT SPORTS CARS

CHRISTIAN BOMB

SA kabila na pumapalpak ang “yellow lane” policy ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nang magmistulang parking lot ang kahabaan ng EDSA, ay tuloy pa rin daw ang plano ng MMDA na bakuran ang yellow lane para makontrol ang daloy ng mga bus sa EDSA.

Nagkaroon ng lakas ng loob ang MMDA na ituloy ang palpak nilang polisiya sa trapiko dahil kinampihan pa sila ng Malacañang sa isyung pagpapatupad nila ng yellow lane sa EDSA.

Magugunitang ma­tinding batikos mula sa mga bus commuter ang inabot ng MMDA dahil sa maladelubyong sitwas­yon ng trapiko sa EDSA simula noong nakaraang Biyernes dahil sablay ang kanilang traffic scheme.

Tinatawag pa nga ng mga bus commuter na anti-poor at anti-commuter ang polisiya ng MMDA dahil maluwag ang lanes para sa private vehicles habang ang dalawang yellow lanes para sa mga bus ay nagmimistulang malaking parking lot.

Sa kabila nga na nakatikim ng matinding batikos, ayon sa MMDA ay paninindigan nila ang kanilang desisyon na mas mahigpit na pagpapatupad sa yellow lane para sa mga bus sa EDSA.

Ang palusot ni MMDA traffic chief Col. Edison Nebrija, ay ang kawalan daw ng disiplina ng mga motorista, partikular ng city bus drivers ang sanhi ng masikip na daloy ng trapiko at hindi raw ang polisiya nila sa kalsada ang dapat sisihin sa naganap na mala-delub­yong trapik sa EDSA.

Dahil nga pinanindigan na ng MMDA ang polisiya nila sa EDSA kahit na ito ay palpak, ang plano nila ngayon ay lakihan ang yellow lanes at lagyan ng mga fence at baller ang EDSA para tiyaking manatili sa tamang lanes ang mga motorista.

Ayon pa sa MMDA ay ipupwersa na nila ang tamang paggamit ng lanes at ang mga susuway ay huhulihin.

Kung susuriin ang statement na ito ng MMDA, dito makikita na wala silang malasakit sa mga mamamayan na bus lang ang kayang sakyan patungo sa kanilang mga pupuntahan.

Hindi ramdam ng MMDA ang nangyari, na dahil sa palpak nilang polisiya sa kalsada, lalo sa EDSA ay maraming pasahero ang hindi na pumasok matapos ma-stranded sa matinding trapiko, samantalang ang iba naman ay kailangang maghintay nang matagal para makagamit ng rest room hanggang makaabot ng bus terminal at may mga naobligang commuters na bumaba ng bus at maglakad na lang ng pagkalayo-layo sa kanilang patutunguhan sa kasagsagan pa mandin ng ulan.

Dahil sa polisiyang iyan ng MMDA, diyan makikita na anti-poor talaga ang sistemang ipinatutupad nila sa EDSA, na ibig sabihin, wala silang pakialam kung makatikim man ng grabeng trapik ang mahihirap na sumasakay ng bus, basta’t para sa kanila (MMDA) ay huwag lang matrapik ang mga nakapribadong sasakyan.

Ika nga, ang traffic policy na ito ng MMDA ay pabor sa mga naka-kotse, naka-SUV’s at sports cars.  (CHRISTIAN’S BOMB / CHRISTIAN HERNANDEZ)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment